Bagong variant na naman!

November 29, 2021 Allan L. Encarnacion 105 views

Allan EncarnacionNAG-UUMPISA pa lang tayong magbukas ng ekonomita, may nagbabanta na namang bagong variant ng COVID na bininyagan sa pangalang Omicron.

Mukhang hindi pa rin ata sumasapat ang kita ng mga higanteng pharmaceutical companies worldwide kaya kailangan na namang may isilang na variant.

Maraming bansa na naman tuloy ang nagsasara ng kanilang mga borders dahil sa banta ng variant na ito.

Puwede kayang ubusin nyo na lahat ang variant ngayong taon para naman sa 2022 ay bagong taon at bagong sigla ng ekonomiya ng mundo naman ang ating makita?

Awat na muna ang kita ng mga kompanya, mga mamamayan naman.

***

Sino itong isang opisyal na magaling lang daw sa propaganda pero lahat pala ng illegal at legal gambling ay kumikita siya.

Noong hepe pa lang siya, kinopo daw nito lahat ng koleksiyon sa STL, jueteng at Perya ng Bayan. Walang tinirang ‘for the boys’!

Ayon sa ating source, umaabot sa P45 million monthly ang koleksiyon umano ni sir sa mga legal gambling. Kumusta naman kaya sa mga illegal gambling?

Nakikita natin siyang pakalat-kalat kung saan-saan dahil sa kanyang bagong ambisyon.

Mabuti na lamang at nakausap ko ang isa sa kinikilan niya kaya binura ko na siya sa aking listahan.

***

Hiniwalayan na pala ng Malayang QC ang kasamahan nilang nagisnan ang sports car sa kanyang garahe?

Bakit naman? Masyado naman palang mahigpit itong Malayang QC, para nagisnan lang ang luxury cars sa kanyang garahe, ayaw nyo na siyang kasama? Kasalanan na ba iyon?

Paano naman ang inyong mga pinagsamahan? Paano naman ang mahabang panahon ng inyong mabuting pagkakaibigan?

Dati-rati, sobrang sweet ng samahan nila.

Kunsabagay, ang kasal sa pulitika ay hindi katulad ng matrimonya ng kasal na sa hirap at ginhawa, sa saya at dusa, sa sakit at sigla, hanggang kamatayan ay kayo’y magsasama.

Ang kasalan ng Malayang QC at ang may sports car pagkagising ay kasal lang sa banig, sa ginhawa labs kita, sa kahihiyan, magdusa ka!

allanpunglo@gmail. com