Default Thumbnail

Bagong pwesto ni Heneral ‘hinaharang’?

November 21, 2022 Tess Lapuz-Lardizabal 343 views

Tess LardizabalUSAP-USAPAN ngayon na tinitira daw si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff (CSAFP) Gen. Andres Centino dahil sa posibilidad na mabigyan ito ng bagong mataas na posisyon. Maagap pa ay binabaklas na daw ang heneral para hadlangan ang mga namumuong kaganapan.

Si Gen. Centino ay dating naging CSAFP noong November 12, 2021 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte pero nitong August 8, 2022 pinalitan siya sa puwesto.

Si Centino ay sinasabing nominado bilang ambassador to India pero sa ngayon ay nasa floating status pa siya. Ngayon nga ay may bulung-bulungan na bibigyan daw ito ng ibang puwesto. Dahil dito, agad ding nagsimulang lumutang ang ilang isyu laban sa kanya.

Ayon sa mga miron, may mainit daw kay Gen. Centino. Ang termino ngang aming narinig ay “kinakanal” umano si Centino. Bakit naman kaya?

Nitong Agosto, sinabi ng Malacañang na itatalaga daw si Gen. Centino sa isang bagong posisyon na “befitting a former chief of staff.” Ang posisyon ba bilang ambassador ay masasabi nating “befitting a former chief of staff”? Hmmm, parang nakakapag-isip. Ano kayang posisyon itong ibibigay kay Gen. Centino at mistulang hinaharang siya?

Ano bang mga posisyon ang puwedeng ikawing sa isang dating CSAFP? Defense chief, puwede pero paano naman ang officer-in-charge ngayon ng DND? Puwede rin namang italaga uli bilang CSAFP si Centino pero paano naman yung pumalit sa kanya?

Medyo masalimuot yata ang mga alingasngas. Dadagdagan natin ang pagtugaygay sa mga bulung-bulungan dito para hindi tayo maunahan ng mga Marites na makatunog sa mga totoong nangyayari.

Sakali mang ilagay sa DND, ibalik bilang CSAFP o ilagay man sa ibang pwesto si Gen. Centino, isa kami sa naniniwalang karapat-dapat naman siyang bigyan ng mataas na posisyon.

Abang pa more tayo!