Sherwin Gatchalian

Bagong presyo ng gamot na VAT-exempt ipatupad–Sen. Win

February 25, 2024 PS Jun M. Sarmiento 103 views

NANAWAGAN si Sen. Win Gatchalian sa mga botika na ipatupad ang exemption sa value-added tax (VAT) ng ilang piling gamot.

May nadagdag na 22 sa kasalukuyang listahan ng mahigit 2,000 VAT-exempt na gamot para sa diabetes, hypertension, cancer, mataas na kolesterol, mga sakit sa pag-iisip, tuberculosis at sakit sa bato.

Kasama rin sa mga VAT-exempt ang ilang medical devices na ginagamit para makaiwas at magamot ang COVID 19.

Kasunod ang apela ni Garchalian sa ipinalabas na Revenue Memorandum Circular No. 17 ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng listahan ng mga karagdagang gamot na sasakupin ng VAT exemption.

Nakasaad sa Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration at Inclusion (TRAIN) Act ang memo Ng BIR.

Si Gatchalian ay co-author ng naturang batas. Samantala, nakasaad din sa Republic Act No. 11534, o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act ang VAT exemption para sa mga gamot na ito.

Kasabay nito, hinimok din ni Gatchalian ang publiko na manatiling mapagmatyag at tiyaking tama o mas mababa ang binabayaran nilang mga gamot na kasama sa listahan ng mga VAT-exempt.

Sinimulang ipatupad ang mga bagong VAT-exempt na gamot noong Peb. 19.