Default Thumbnail

Bagong Ospital ng Maynila bubuksan sa Hunyo 24

June 12, 2022 Edd Reyes 361 views

BUBUKSAN na sa publiko nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Mayor-elect Honed Lacuna-Pangan ang Bagong Ospital ng Maynila sa kanto ng Quirino Avenue at Roxas Boulevard sa Hunyo 24, kasabay ng paggunita sa ika-451 taong anibersaryo ng lungsod.

Ito ang ipinahayag ni Mayor Isko sa kanyang regular na programang “The Capital Report” makaraang makumpleto na ang konstruksiyon ng P2.3 bilyong 10-palapag na fully-airconditioned na pampublikong ospitan na proyekto ng lungsod ng Maynila sa ilalim ng programang “Build Build Manila”.

“Hopefully, ang inyo pong lingkod, si Mayor-elect Honey Lacuna, sampu ng ating mga kasamahan at mga barangay official, we will inaugurate the Bagong Ospital ng Maynila sa June 24,” pahayag ni Mayor Isko.

Nasimulan noong Hunyo ng taong 2020, ang 29,951 metro-kuwadradong pagamutan ay may kapasidad na 384 na kama, may neonatal intensive care unit (ICU) anim na operating rooms, dalawang ICU na magbubukod sa mga pasyenteng may nakahahawa at hindi nakahahawang sakit, 20 pribadong silid, vertical at hidden garden at iba pang pasilidad tulad ng tatlong palapag na parking building, esplanade at helipad.

Sabi pa ni Mayor Isko, ang Bagong Ospital ng Maynila ay may mga makabagong kagamitan tulad ng magnetic resonance imaging (MRI) computerized tomography (CT) scan, 4-D Ultrasound at X-ray machines.

“Pagka nagpa-MRI ka ngayon, magkano? P30 thousand, P50 thousand ang isa, eto makukuha ninyo ng libre. City scan, P20 thousand, P25 thousand, dito makukuha nyo ng libre. Yung makukuha ninyong serbisyo sa Saint Luke’s, yung makukuha ninyo sa Makati Medical Center, makukuha ninyo sa pampublikong ospital na ang tawag ay Bagong Ospital ng Maynila,” dagdag pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE