Default Thumbnail

Bagong OSMA bubuksan na sa unang linggo ng Pebrero

January 8, 2023 Edd Reyes 378 views

INIHAYAG ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan na magiging ganap na ang pagbubukas sa publiko sa susunod na buwan ng Bagong Ospital ng Maynila makaraang makuha na ang lisensiya para sa tuloy-tuloy na operasyon.

Sinabi ng alkalde na napagkalooban na ng lisensiya ng Bureau of Medical Services, isang ahensiya ng pamahalaan na may kapangyarihang magkaloob ng lisensiya sa mga pampubliko at pribadong ospital batay sa umiiral na batas sa ilalim ng R.A. 4226 of ang Hospital Licensure Act, matapos pumasa sa mga panuntunan at alituntuning nakasaad sa batas na inaprobahan ng Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan..

“Kaya sa kasalukuyan ay nagsisimula na pong maglipat ng mga staff pati na rin ng mga kagamitan sa lumang Ospital ng Maynila patungo sa Bagong Ospital ng Maynila, so expect na by first week of February ay fully operational na po ang bago nating pagamutan,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Nauna rito’y inilatag ng alkalde ang kanyang mga pangunahing programa at proyekto na may kaugnayan sa pang-kalusugan bilang isang doktora kabilang na ang pagtatayo at pagkukumpuni ng mga health centers sa iba’t-ibang distrito ng lungsod.

Inisa-isa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga kukumpunihin at itatayong bagong gusali para sa mga health centers kabilang ang Aurota Quezon Health Center sa Tondo District I, Palomar Health Center sa District II, Maria Clara Health Center sa ika-apat na distrito, dalawa pang health centers sa District V at ang Isidro Mendoza Health Center sa District VI.

Ayon sa alkalde, magiging katuwang niya sa pagtatayo ng dalawang palapag na gusali ng health center sa District II si Congressman Rolan Valeriano habang sina Congressmen Edward Maceda, Irwin Tieng at Benny Abante naman ang magkakaloob ng pondo sa konstruksiyon ng mga health centers sa ika-apat, ika-lima at ika-anim na distrito ng Lungsod ng Maynila.

“Diyan po ninyo makikita ang magandang relasyon ng national at local government, napakalaking tulong po nito, siyempre alam naman po natin na mas malaki ang pondo ng national government kesa sa local government units kaya napakalaking ginhawa po yan na mapapaayos po ang ating mga health centers through our partners in Congress” wika pa ng alkalde.

Ilan pa sa mga nakalatag na proyektong imprastraktura ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lacuna-Pangan ay ang pagtatayo ng Crisis Intervention Center for Women and Children, ang Socio Civic Center sa District V kung saan ilalagay ang tanggapan ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), Sacramento Library at ang posibleng pagkakaroon ng convention center.

“Sisimulan na rin natin ang mga proyekto sa Manila Boys Town Complex kabilang ang repair of Luwalhati ng Maynila Building and Kamada Building and construction of Manila-San Francisco Friendship Library and Warehouse Building and kapag may extra pa hong pondo, yung atin pong Half-Way House for street dwellers along Taft Avenue,” dagdag pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE