Bagong ‘maskara’ ng City of Smiles

August 5, 2022 Allan L. Encarnacion 110 views

Allan EncarnacionNAGKAKAROON ng bagong ngiti ang Bacolod City na kung tawagin ay City of Smiles.

Naikot natin ang ilang bahagi ng Bacolod kaya nakita rin natin ang kalunus-lunos na kondisyon ng mga lugar, lalo na ang mga kasuluk-sulukan.

Noong una tayong umikot, hindi ako napa-smile sa maraming lugar sa Bacolod dahil bukod sa dami ng tambak na basura, iyong mga spaghetti wire connections nila ang nakatawag ng pansit este pansin sa atin.

Pero nitong mga nakaraang linggo, ito na sinasabi kong nagkaroon ng bagong ngiti ang Bacolod dahil sinimulan na pala ng bagong alkalde na si Mayor Albee Benitez ang pagsasaayos ng mga spaghetti wiring sa mga iskinita.

Agresibo na rin ang paghahakot ng basura kahit saang panig ng lungsod. Nagulat tayo sa istilo ni Mayor Albee dahil madaling araw siya nag-inspection sa mga slaughter house.

Tama naman ang kanyang ginawa dahil iyon talaga ang oras ng operasyon ng mga katayan kaya nakita niya ang mga salaulang pagtatapon ng mga operator ng kanilang mga kalat.

Kaya pala naka-shorts at naka-t-shirt si Mayor Albee ay para hindi siya mapansin ng mga operator kaya huling-huli sa akto ang makalat na paligid ng slaugther house.

Maraming ipinapatupad na programa si Mayor Albee sa Bacolod sa tingin natin ay puwedeng maging polisiya sa buong bansa.

Halimbawa na lamang ay noodle wire connection dito mismo sa Metro Manila. Hindi natin alam kung paanong nakakalusot sa local government ang napakadelikadong buhul-buhol na kable, lalo na sa mga slums at mga interior areas.

Nakabantay tayo sa mga ginagawa ni Albee sa Bacolod dahil mukhang magse-set ito ng bagong kabanata sa local governance. Sa isang banda, kilala naman nating personal si Mayor Albee kaya nakita natin kung paano ito magtrabaho bilang kongresista.

Siya ang naging lider ng Visayan block sa kongreso sa mahabang panahon kaya sobrang lakas ng boses ng rehiyon para sa development.

Ngayong Oktubre, magbabalik ang tanyag na Maskara Festival sa Bacolod na dalawang taon nawala dahil sa pandemic.

Looking forward tayo sa literal na pagsusuot ng bagong mukha ng Bacolod dahil sa liderato ni Mayor Albee.

And by the way, sunud-sunod din ang pagbubukas ng mga bagong negosyo sa Bacolod City sa nakalipas lang na isang buwan na magandang senyales para sa employment program ng lungsod.

Sa pagpapairal ni Albee ng business friendly leadership, umaasa tayo na city to watch ang Bacolod para sa pagpasok ng mga local at international investors.

Congratulations Mayor Albee!

allanpunglo@gmail.com