Bagong Jaen college tumatanggap na ng enrollees para sa 2 kurso
JAEN, Nueva Ecija–Tumatanggap na ng enrollees para sa dalawang kurso sa unang semestre ng 2024-2025 school year ang Santiago “Santy” R. Austria College (SSRAC) sa bayang ito.
Ang dalawang kursong unang iaalok ang Bachelor of Science in Entrepreneurship (B.S Entrep) at Bachelor of Early Childhood Education (BECed).
Inihayag din ng SSRAC na magsasagawa ito ng qualifying examinations para sa mga papasok na freshmen sa municipal gymnasium sa Agosto 13, 14 at 15.
Makakakuha ng 100 porsyentong diskwento sa tuition at miscellaneous fees, book allowance ang mga may “highest honor” na nagkakahalaga ng P5,000 para sa mga residente ng Jaen at P2,000 sa mga non-residents ng Jaen.
“Tunay nga, ang katuparan ng pangarap nating malaki, kaakibat ng taos-puso at dedikadong serbisyo nina Mayor Sylvia Austria at Vice Mayor Atty. Sylvester Austria ang siyang naging bunga upang ngayo’y maging testigo tayo sa kasaysayan sa pagbubukas ng SSRAC,” ayon sa advisory ng munisipyo.
“Ang pagpapatayo ng SSRAC bilang pagpapatuloy ng legasiya ng yumaong alkalde na ang edukasyon isang pundasyon at mahalagang aspeto sa paghubog ng kinabukasan ng bawat kabataan,” sabi ni Mayor Austria.