Bagong gym, multipurpose bldg sa Navotas bukas na
NANGUNA sina Congressman Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco sa inauguration ng bagong gym sa Navotas Sports Complex at multipurpose buildings sa Brgy. NBBS-Kaunlaran noong Huwebes.
Itinayo ang naturang mga proyekto upang maakit ang mamamayan sa aktibong pamumuhay at may magamit na pasilidad ang komunidad para sa iba’t-ibang aktibidad.
Ayon kay Mayor Tiangco, itinayo ang gym dahil prayoridad nila na maging maayos ang kalusugan at may angkop na pangangatawan ang mga residente at kawani ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng regular na pag-eehersisyo.
Kabilang sa mga itinataguyod nina Mayor John Rey at Cong. Toby Tiangco ang paglahok ng mamamayan sa aero zumba, pagbibisikleta at pamamasyal ng buong pamilya sa family zone sa R10 tuwing Linggo at paglalakad sa coastal dike.
Iba’t-ibang pasilidad ang matatagpuan sa multi purpose buildings gaya ng basketball court, office spaces at function rooms na pwedeng pagdausan ng mga kaganapan.
“These facilities will serve as venues for programs, activities and sports that promote physical and mental well-being among residents, especially the youth,” sabi ni Mayor Tiangco.
Binanggit ni Congressman Toby Tiangco ang kahalagahan ng mga imprastraktura na magpapa-angat sa kalidad ng buhay sa Navotas.
“Every project we build is for the betterment of our community. These facilities are more than just structures—they are investments in our youth and in fostering a strong, united community,” paliwanag ng kongresista.
Nakiusap sina Cong. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco sa mga residente na pangalagaan at gamitin ng responsable ang mga bagong pasilidad upang mapanatili ang kalidad at para mapakinabangan ng komunidad sa matagal na panahon.