Default Thumbnail

Bago ang MIAA GM

October 28, 2022 Allan L. Encarnacion 333 views

Allan EncarnacionMAY bago nang General Manager ang Manila International Airport Authrority (MIAA).

Ang MIAA ang umbrella administration ng mga airports dito sa Manila mula NAIA 1, 2, 3 hanggang sa mga domestic airports.

Si Atty. Jay-Art Tugade na anak ni former DOTr secretary Art Tugade ay itinalaga ni President Bongbong Marcos Jr. upang pamahalaan ang ating mga paliparan dito sa National Capital Region.

Ang batang Tugade ay nagtapos ng abogasiya sa San Beda at bihasa sa shipping, logistics at iba pang pamamahala ng korporasyon.

Sino ba naman ang hindi nakakakila sa erpat ni Jay-art na si Sec. Art na responsable sa sistematikong pagpapatayo ng ating mga rail system mula MRT 7, PNR, ports at maraming paliparan sa buong bansa?Si Sec Art din ang gumamot sa mala-cancer na MRT 3 na maya’t maya ay sira noong mga nakaraang taong 2010 hanggang 2016.

Sa ilalim lang ng termino ni Secretary Art nagkaroon ng full blast development ang ating transport system mula sa mga sasakyan sa kalupaan, karagatan hanggang himpapawid. Akala ko nga noon si Sec. Art pa rin ang magiging DOTr Sec. dahil sa dami ng mga nakalinyang proyekto niya na hindi pa natatapos, gaya ng kauna-unahang Metro Manila subway.

Kaya nga hindi tayo nagulat sa appointment ng batang Tugade sa MIAA dahil katulad din ng kanyang ama, eskperto sila sa pagsasaayos ng sistema.

Umaasa tayo sa lalo pang propesyunalismo at mas malaking developmemnt na mangyayari sa ating mga paliparan.

Congratulations Atty. Jay-Art!

***

Hindi lamang kalusugan ang pinag-uusapan kapag binanggit ang Department of Health.

Ang mga departamento sa gobyerno ay hindi katulad ng hole in the wall na kailangan mong ipasok ang triangle shape or circle sa kanyang lalapatan.

Wala tayong nakikitang mali sa appointment ni former Chief PNP General Camilo Cascolan dahil maraming aspeto ang DOH na nangangailangan ng management expertise.

May mga techical aspects, system management, professional dealings at iba pa sa DOH na hindi naman kailangan ng duktor.

Kapag nakita nating nag-opera or nagturok na ng injection si Usec Cascolan, diyan na tayo magwala at mag-amok.

Katulad halimbawa ng Defense department, hindi naman dating sundalo si broadcaster Orly Mercado nang maging Defense Secretary.

Sa NIA, naitalagang Administrator si journalist Benny Antiporda na hindi naman engineer pero nakita natin ang performance na tinalo pa ang lahat ng mga naging administrador ng ahensiya.

Kung katulad ni Benny na isang street smart ay kayang patakbuhin ang NIA sa pamamagitan ng common sense, dedikasyon at may integridad, wala tayong nakikitang mali sa appointmet ni General Cascolan.

Sample lang, iyong mga water canal, mga water pipe na sinira ng mga nakaraang bagyo ay nakatengga sa mahabang taon, nang malaman ni Antiporda, ilang araw lang pala ay kayang gawin kung talagang gustong gawin. Pinabayaan ng mga regional managers nang mahabang taon na walang dumadaloy na tubig sa mga irigasyon, ano tawag doon? Iresponsableng engineer!

Iba ang usapan sa Justice secretary kasi kailangan talaga ng isang abogado sa posisyong yan gaya ni Secretary Boying Remulla.

Kaya wala tayong nakikitang mali sa appointment ni retired General Cascolan sa DOH.

[email protected]