Default Thumbnail

Bagitong policewoman, kasabwat tiklo sa ‘extortion’

January 8, 2023 Edd Reyes 215 views

INARESTO ng kanyang mga kabaro ang isang bagitong policewoman at kasabwat na babaeng encoder matapos nilang kikilan umano ang isang negosyanteng Koreano sa isinagawang entrapment operation Biyernes ng gabi sa Makati City.

Kaagad na dinakip ng mga tauhan ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Makati Police sa pangunguna ni Police Major Cristopher Obrial ang Patrolwoman, nakatalaga sa Poblacon Police Sub-Station at babaeng kasabwat nito, na residente ng Fort Bonifacio, Taguig City matapos tanggapin ang P200,000 na markadong salapi sa biktimang Korean national, isang foreign investor at naninirahan din sa Fort Bonifacio.

Sa ulat na isinumite ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Jonnel Estomo, alas-7:30 ng gabi ng Biyernes nang humingi ng tulong sa pulisya ang biktima matapos umano siyang kikilan ng mga suspek ng halagang P200,000 kapalit ng hindi pagre-report sa kanya sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa ibinibintang na ilegal niyang pagnenegosyo sa bansa.

Kaagad na iniutos ni Makati Police Chief P/Col. Edward Cutiyog kay Obrial ang pagbuo ng isang team na magsasagawa ng entrapment operation sa loob ng Coffee Tonya Café sa Guanzon St. Bgy. Poblacion kung saan ipinadadala ng mga suspek ang salapi sa dayuhang biktima dakong alas-8:24 ng gabi.

Nakuha sa dalawang suspek ang markadong salapi pati na ang isang note pad.

Pinapurihan naman ni Estomo ang Makati Police sa maagap na pagtulong sa dayuhang Koreano at pagdakip sa mga suspek kasabay ng pahayag na “walang puwang sa hanay ng kapulisan ang mga tiwali na silang sumisira sa imahe ng Pambansang Pulisya.”

Nahaharap ngayon sa kasong robbery extortion ang mga nadakip makaraang iprisinta sa piskalya ng Makati para sa inquest proceeding.

AUTHOR PROFILE