Francisco

Bagitong opisyal na pulis, huli sa paglustay ng pondo sa ‘e-sabong’

March 31, 2022 Jonjon Reyes 662 views

ISANG bagong opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang inaresto ng Manila Police District (MPD) dahil sa umano’y pagkagumon nito sa kontrobersiyal na sugal na “e-sabong” o online sabong habang nasa loob ng Pitmaster’s Live OCBS sa Nagtahan, Ramon Magsaysay Boulevard, Sta. Mesa, Manila, madaling araw nitong Huwebes.

Kinilala ni MPD Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco ang suspek na si P/Lt. John Kevin Menez, nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 4 (DEG–SOU4), Police Regional Office 4-A at residente ng Hererra Street, Tondo.

Ayon sa ulat ng pulisya na si P/Lt. Gerry Campo ng GAIS (General Assignment Investigation Section) at pinagsanib na tauhan ng MPD at PRO4A-PDEG nakita si Menez pasado alas-2:00 ng madaling araw matapos na makatanggap ng tip na nasa lugar ang suspek at umano’y kasalukuyang “tumatalpak” o tumataya sa nasabing online sugal na sabong.

Pagdating sa lugar nalaman na pinipigilan na si Menez na makaalis ng talpakan dahil may utang na itong P15,000 na pusta at nalaman rin na isinanla pa nito ang hiniram na 2008 Honda Civic sa halagang P170,000 sa kanyang subordinate na si Pat. Melvin Bojocan Barbo.

Isinangla ni Menez ang kotse na pinalabas nito na siya ang may-ari ng sasakyan subalit ito pala ay ligal na pag-aari ng isang chairman ng Sangguniang Kabataan (SK) na taga-Almeda St. sa Tondo.

Hindi naman nito mailabas ang mahigit na P500,000 na “operational funds” para sa anti-illegal drugs operations ng PRO-4A na nasa kanyang pangangalaga.

Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya na si Menez ay nasa “restrictive custody” na ng Police Regional Office-4A (PRO-4A) sa Camp Vicente Lim.

Napag-alaman din na umalis si Menez mga dakong 10:00 ng umaga at hiniram ang sasakyan ni Barbo subalit nabigo itong bumalik sa kampo kaya sinimulan ang paghahanap sa kanya ng mga kabarong pulis.

Dahil dito kasong estafa at swindling ang kinahaharap ng suspek habang nasa kustodiya ito sa MPD-General Assignment Investigation Section.

Sa huling ulat, nabawi naman ang sasakyan ng SK chairman. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE