Badoy sa Makabayan, Karapatan: Itakwil CPP-NPA-NDF

May 25, 2021 Paul M. Gutierrez 137 views

Muling hamon sa Makabayan Bloc, Karapatan

MULING iginiit ni Undersecretary Lorraine Badoy, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa larangan ng Social Media at Sectoral Concerns, ang kanyang hamon sa mga miyembro ng Makabayan Bloc sa Kongreso at maging sa militanteng grupo na Karapatan na kung talagang tinatawag nila ang kanilang mga sarili na tagapagtanggol ng karapatang pang-tao, dapat nilang itakwil ang mga kasamaang gawain ng komunistang-teroristang Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democractic Front ( CPP-NPA-NDF).

“Ang kanilang katahimikan ay nakakabingi na. Bakit sila nananahimik?” ang tanong pa ni Badoy sa lingguhang balitaan via Zoom ng NTF-ELCAC, at muling pinasaringan ang mga mambabatas at maging ang iba pang maka-kaliwang samahan na sa kabila ng kanilang pagtanggi na wala silang kaugnayan sa mga Communist Terrorists Group (CTG) “bakit hindi nila maitakwil ang mga krimeng pinaggagawa nito sa mga sinasamantala nilang mga kababayan kabilang ng ang mga katutubo sa mga kanayunan o Indigineous People (IPs).”

Matatandaang inilabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakailan ang ulat na 1,506 ang kanila nang naitatalang mga krimen ng CTG sa loob lamang ng nakaraang sampung taon.

“Ito ang maliwanag. Ang karumal-dumal na pinaggagawa ng CPP-NPA-NDF sa ating mga kababayan na walang kalaban-laban. Bakit kayo tahimik? I-denounce ninyo! Karapatan Tina Palabay, i-denounce ninyo ito, iyong kababuyan na ginawa ng CPP-NPA-NDF, na sabi niyo ay you’re not part of,” ang muling hamon ni Badoy.

“I challenge Caloy Zarate, Sara Elago, Eufemia Cullamat, Arlene Brosas, France Castro, Ferdinand Gaite, na kondinahin ang mga krimen na ito na ginawa sa ating mga kababayan. They’re self-professed defenders of the Filipino people. That’s what they tell us they are. Iyon ang kanilang claims ‘di ba?” paliwanag ni Badoy.

Tinawag din ni Badoy ang Makabayan Bloc na “Joma (Jose Maria Sison, ang founder ng komunistang-teroristang samahan) Bloc”, dahil lahat daw ng mga ito ay ginagamit lamang ng CPP-NPA-NDF.

“Hindi natin pwedeng maliitin itong pananahimik niyo, in the face of such terrible crimes against our people, hindi ba? I mean when we look at these numbers they are not just numbers, they’re people and people who love them,” paliwanag ni Badoy.

Inihalimbawa ng taga-pagsalita ng NTF-ELCAC ang mga kasalanang nagawa ng CTG sa mga IPs. ” The CPP-NPA-NDF kasi ang tingin sa mga indigenous people natin ay hindi tao, parang tsinelas. Ganun-ganun na lang kung kini-kidnap iyong mga anak natin, iyong mga indigenous people di ba? Pinagkukuha iyong mga anak ng indigenous people, ilang tribal leaders ang pinagpapatay di ba?” ang sabi pa ni Badoy.

Dagdag niya, ang pananahimik ng Makabayan Bloc at mga kaalyado nitong mga samahan gaya ng Karapatan at ang kanilang pagtanggi na kundenahin ang CPP-NPA-NDF ay walang makukuhang kapatawaran sa taong bayan.

Itinatag noong 2009, ang Makabayan Bloc sa Kongreso o Makabayang Koalisyon ay binubuo ng 12 politikal na party-list na, sa ngayon ang mga miyembro sa Kamara ay sina Cullamat, Gaite at Zarate (Bayan Muna), Elago (Kabataan Partylist), Castro (ACT Teachers Partylist) at Brosas (Gabriela Women’s Party).

AUTHOR PROFILE