Babae nasawi, 3 kapamilya nalapnos sa sunog sa QC

November 2, 2021 Melnie Ragasa-limena 51 views

ISA ang nasawi habang bahagyang nalapnos naman ang balat ng tatlo niyang kapamilya nang masunog ang kanilang tahanan sa Brgy. San Agustine, Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.

Ang nasawi ay nakilalang si Melanie Escomo Trinidad, 21, habang nagtamo naman ng 2nd degree burns ang mga kapamilyang sina Belen Trinidad, 49; Sunday Ariza, 32, at Luzviminda Trinidad, 47, pawang nangungupahan sa L11 B16 Joselito St., Greenfield 3 Subd., Brgy. San Agustine, sa lungsod.

Sa report ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas-2:05 ng madaling araw (November 2), nang masunog ang tahanan na nirerentahan ng mga biktima na pag-aari ng isang Nestor Braga

Ayon kay Senior Inspector Rowena Mamangun, agad namang naapula ang apoy bandang alas-2:37 ng madaling araw, at hindi na kumalat pa sa mga katabing kabahayan kung saan ay umabot sa mahigit P 750,000 ang natupok.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SFO2 Mary Ann Mostacisa, nagsimula ang apoy sa kisame ng tahanan ng mga biktima na hinihinalang sanhi ng faulty electrical wiring.

Gayunman, patuloy pang nagsasagawa ang mga arson investigator kung ano ang sanhi ng sunog sa tahanan ng pamilyang Trinidad.