Default Thumbnail

Babangon ang ALL TV

February 10, 2023 Allan L. Encarnacion 254 views

Allan EncarnacionKASAMA tayo sa mga nalulungkot sa pansamantalang pagtigil ng mga palabas sa ALL TV ni former Senator Manuel Villar. Una, hindi lamang ang mga artista ang maapektuhan nito bagkus ay pati na ang mga nasa pinakamababang empleyado. Dagdag pa ito sa mga magiging problema ng gobyerno sa isyu ng unemployment.

Pero sa kabila ng senaryong ito, masyado pa rin namang maaga para sabihing “dead meat” na ang istasyong dos na dating pag-aari ng ABS CBN. Nito lang mga nakaraang araw ay inanunsiyo ng ALL TV management ang paghinto sa ere ng maraming prime time shows subalit tiniyak na tuloy pa rin ang pagbabayad ng talent fee sa mga artista. Sana all, pati na mga production crew ay kasama sa mga hindi hihinto ang sahod.

Ang unang dahilan ng pagtigil sa pag-ere ay ang mahinang viewership na ang resulta ay ang kawalan ng advertisers.

Sinabi ko noong una na malaking impact sa viewership ng mga Pilipino ang mga klase ng mga telebisyon na lumabas ngayong millenial. Noong mga dekada 70, 80s hanggang 90s, ang mga free TV channels ay totoong maa-access mo sa mga lumalabas na telebisyon. Hindi mo kailangan ng digital box or cable conection para mapanood ang IBC 13 na number one noon, ang RPN 9 na “the leader”, ang BBC 2 at ang GMA 7 na where you belong pa noon.

Wala naman kaming digital box or Sky cable or Destiny or Cignal noon pero napapanood namin sa free TV ang Piling-Piling Pelikula sa 13 or ang Six Million Dollar Man sa 9 or mga Balita sa 2 or 700 Club sa 7. Lalagyan lang namin ng tinidor sa likod ang TV or antenna sa bintana or bubong, katalo na. Kapag nagloko pa habang nanonood ka, babatukan mo lang ang TV, balik na ulit ang palabas.

Ngayon, halos umabot na sa pinakamataas na puno ang kable para sa antenna, wala ka pa ring mapapanood! Kahit pa llagyan mo ng pinakamalaking tinidor ni Satanas ang likuran ng telebisyon mo, wala pa rin.

Alam nating darating din ang tamang oras para makabalik sa ere ang ALL TV pero sa ngayon, nag-iba na rin ang viewing habit ng mga Pilipino dahil na rin marahil sa social media.

Ang isang pagkakamali ng ALL TV ay iyong “close-open” system. Iyon bang magso-soft launch tapos magsasara ulit. Nang bumalik sa ere, hindi naman full blast at walang masyadong magandang inilaman, maliban doon sa show ni Tunying na napapanood din online.

Sa isang banda, higit pa sa mga shows, kailangan munang problemahin ng ALL TV kung paano sila mapapanood sa mga generational television na lumabas ngayon. Sa totoo lang, ang TV 5 nga na ilang dekada na sa ere ay hindi rin makapalo sa rating. Ang GMA 7, bumagsak pa ng 53% ang kita sa taong 2022 gayong nawala ang ABS CBN sa ere.

Kabilang tayo sa mga umaasa na makabalik ang sigla ng telebisyon at ng produksiyon sa pangkalahatan para magkaroon ng trabaho ang marami nating mga kababayan. Pinatay talaga ng social media ang conventional television dahil ang mentalidad ng tao, iba iyong kontrolado nila sa kanilang mga kamay ang kanilang mga pinapanood.

Sa ngayon, maghihintay tayong mag-recalibrate ang Villar TV para magbigay ng bagong pagpipilian ang ating mga kababayan.

[email protected]