Babala vs ‘unli-ayuda’ scam

August 15, 2022 Erwin Tulfo 72 views

TulfoTAOS-PUSO po akong nagpapasalamat sa inyong mga pagbati at patuloy na moral support sa akin at sa mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula noong ako’y maupong kalihim ng ahensiya.

Ang totoo ay halos hindi ko pa nagagawang “umupo” at kami’y lumagare sa iba’t-ibang lokalidad para maghatid ng tulong sa mga biktima na mga kalamidad.

Ipinatupad natin ang utos ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) na prepositioning ng mga food packs at iba pang relief goods kaya nasaklolohan kaagad ang mga nabiktima ng pagbabayo, flashfloods, landslides, pagsabog ng bulkan, paglilindol at mga insidente ng sunog.

Puspusan din ang pagpapalawig ng ating assistance programs partikular na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para matulungan ang marami pang nangangailangan na nasa waiting list kaya nirerepaso namin ang guidelines at listahan ng beneficiaries.

Samantala, ako po ay nagbibigay-babala laban sa mga nanloloko sa mga kababayan nating nagnanais mapabilang o manatili sa 4Ps.

Mayroong mga nagpapanggap na kawani ng DSWD o nagkukunwang may “koneksyon” sa akin at nangangako na mailalagay kayo sa listahan ng 4Ps.

Ginagamit pa ang aking pangalan at litrato at sinasabing kakilala nila ako.

Bilang kapalit ng kanilang pekeng pangako sisingilin po kayo ng “service charge.”

Nililinaw ko po: Walang bayad na hinihingi ang DSWD kapalit ng paglilista sa 4Ps o iba pang pagtulong tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Mayroon pang nangangako ng “unli-ayuda” sa ilang kananayan kapalit ng bayad.

Sa katunayan, mayroon na tayong nahuli na nagpapanggap na DSWD social worker na naningil ng bayad kapalit ng paglilista ng benepisaryo ng 4Ps.

Kuntodo uniporme pa ng DSWD ang tinamaan ng lintek, ayun ang suspek naghihimas ng rehas ngayon.

Huwag kayong maniniwala sa mga demonyong yan na nagsasabing konektado sila kay “Secretary Erwin Tulfo” at nag-aalok ng ayuda kapalit ng bayad o komisyon.

Nakikiusap ako na ireport nyo ang ganyang gawain sa akin o sa alinmang tanggapan ng DSWD.

Maliwanag na yan ay modus o scam dahil ang mga transaksyon ng DSWD ay isinasagawa lamang sa mga tanggapan nito at hindi sa lansangan, karinderya, bahay-bahay at hindi rin sa “bahay-aliwan.”

Kapag nanghihingi ng bayad o humihiling ng “quickie” o “panandaliang-aliw,” peke po yang hudas na yan!

Gratis o walang bayad na kapalit ang taos-pusong pagtulong ng pamahalaan.

AUTHOR PROFILE