Default Thumbnail

Babaeng rider na walang helmet tumakas sa mga parak, tumilapon

June 4, 2023 Edd Reyes 172 views

SUGATAN ang 33-anyos na babaeng rider nang sumemplang ang minamanehong motorsiklo bunga ng pagmamadaling takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan-Sita Sabado ng gabi sa Malabon City.

Kaagad na isinugod ng mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Malabon police sa Ospital ng Malabon si Josie Lacrete, residente ng Block 11, Lot 96, Phase 11 Area 4, Brgy. Longos upang lapatan ng lunas ang mga tinamo niyang sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang ini-impound naman ng pulisya ang kanyang minamanehong Honda Beat motorcycle na walang plate number.

Sa ulat na isinumite nina P/SSgt. Benggie Nalogoc at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nagsasagawa ng Oplan Sita sa kahabaan ng Hiwas St. Brgy. Longos dakong 9:26 p.m. ang mga tauhan ng TMRU sa pangunguna ni P/SSgt. Ringo Santos nang parahin nila si Lacrete dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo ng walang suot na helmet.

Sa halip na huminto, pinaharurot ni Lacrete ang motorsiklo patungong Paros Alley subalit sa bilis ng takbo, nawalan siya ng kontrol sa manibela pagdating sa kanto ng Langaray St. na naging sanhi ng kanyang pagtilapon nang sumemplang ang kanyang motorsiklo.

Ayon kay Col. Daro, inisyuhan na ng kanyang mga tauhan ng citation ticket kaugnay sa paglabag sa R.A. 10054 o ang Motorcycle Helmet Act of 2009 at Reckless Upon Chase ang dalaga habang bineberipika pa ang papeles ng kanyang minamanehong motorsiklo.

AUTHOR PROFILE