Default Thumbnail

Babaeng isinako lumutang sa Manila Bay

March 11, 2022 Jonjon Reyes 257 views

INAKALANG isang sakong basura ang nakitang lulutang-lutang na hindi pa nakikilalang babaeng nakasilid sa sako nitong Huwebes ng tanghali sa Vitas, Tondo, Manila.

Tinatayang nasa edad 50 hanggang 60 anyos ang biktima na nakasuot ng itim na leggings at itim na damit na may polka dots at may tattoo sa kanang balikat ng pangalang “Edgar at Joy”.

Base sa ulat na isinumite ni Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, kay Brigadier General Leo ‘Paco’ Francisco, district director, bandang 11:00 a.m. nang madiskubre ang bangkay ng babae sa gilid ng barge sa Manila Bay Area sa Ramp 1, Ocean Transport Shipyard na sakop ng Bgy.105 sa Vitas, Tondo.

Ayon kay PSMS Jero Santos, on case investigator, kuwento sa kanya ni Cris Agas, 23 anyos na welder sa ginagawang “Big Scoop Barge,” nakita nito ang nasabing babae na naka sako.

Diumano dahil sa tawag ng kalikasan, tinangka umano nitong umihi sa dagat nang makita nito ang isang bagay na nakasilid sa puting sako.

Inakala nito na isang patay na hayop lamang ang nakasilid at itinapon ito sa dagat.

Nang busisiin nito ang laman, naduwal si Agas dahil patay na babae pala ang nakasilid.

Si Darwin Bacaiso, sekyu ng barge, ang nakipag-coordinate sa Smokey PCP.

At dito na rumesponde ang mga tauhan ni Lt. Col. Cenon Vargas Jr., commander ng MPD-Raxabago Police Station 1, saka nila kinordon ang lugar at ipinagbigay alam sa Homicide Section at sa Forensic Unit na kung saan nagresponde si Lt. Rex Manalansang.

Nakitang may malaking sugat sa ulo ang babae. Nasa pangangalaga na ito ng Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya at para alamin ang pagkakakilanlan ng babaeng sinasabing biktima umano ng summary execution. Nina JON-JON REYES & C.J. ALIÑO

AUTHOR PROFILE