Babaeng delivery driver sinaksak sa dibdib

February 1, 2022 Jonjon Reyes 168 views

HINDI na umabot ng buhay sa Tondo General Hospital ang isang 43 anyos na babae na delivery driver, makaraang saksakin, nang umano’y lulong sa droga sa isang iskinita sa Tondo, Manila, Lunes ng gabi.

Nakilala ang biktimang si Grace Berme, residente ng 434 Camia St. sa Brgy. 106 sa Tondo.

Samantala, sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ni P/Lt Col. Cenon Vargas Jr., naaresto ang suspek na nakilalang si Reynaldo Avila, 41, alyas “Kalbo” isang tambay, sa 312 Española St., Brgy. 106, Tondo.

Batay sa report na isinumiti ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District Homicide Section kay MPD District Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco, pasado alas 8:20 ng gabi, nang mangyari ang krimen sa isang iskinita sa Camia St. sakop ng Brgy. 106.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakatayo umano si Berme, nang sumulpot ang salarin saka ito inundayan ng saksak sa kaliwang dibdib.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima, subalit idineklara itong “dead on arrival.”

Hinala ng pulisya, dati na umanong may alitan ang dalawa.

Gayunman, matapos ang isinagawang imbestigasyon ng mga kapulisan ng MPD Station 1, agad nang itinurn-over sa Homicide Section sa MPD Headquarters ang suspek na si Avila para harapin nito ang kanyang kasong murder. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE