Babae hinabol ni Kamatayan
CCTV nakunan
WALA pang clue ang mga pulis kung sino ang dalawang lalaki na nakunan ng CCTV na nasa likod ng pagpatay sa 41-anyos na babae Linggo ng madaling araw sa Pasay City.
Sa kuha ng CCTV, nakatayo ang biktimang si Evangeline Dulaca malapit sa 114 San Juan St. Brgy. 8 dakong alas-2:00 ng madaling araw, nang barilin nang malapitan ng naka-motorsiklong mga salarin.
Nakatakbo pa ang babae dahil hindi pumutok ang baril ng unang hitman.
Dito na bumunot ng baril ang nagmamaneho ng motorsiklo at tatlong sunod na pinaputukan si Dulaca.
Nang dumating ang mga nagrespondeng pulis, inabutan pa nilang humihinga ang biktima kaya’t isugod sa Bagong Ospital ng Maynila subalit nasawi rin dakong alas-3:19 ng madaling araw.
Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano, hindi pa alam ang motibo sa pamamaslang.