Babae arestado sa holdap sa Alfamart
Kampo Heneral Paciano Rizal — Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang 44-anyos na babaeng nanghold-up sa Alfamart araw Sabado sa Binan City, Laguna.
Kinilala ni P/Col. Cecilio R Ison Jr ang suspek na si Celeste Mercado, 44, walang trabaho, at residente ng 71 Burgos St., Bgy. Isip Norte, San Manuel, Pangasinan.
Ayon sa imbestigasyon ng Binan City Police sa ilalim ni P/Lt. Col. Jerry B Corpuz, hepe ng Binan police, naganap ang insidente 8:02 p.m. sa Alfamart, Alfa-Metro Marketing, University Central sa Bgy San Antonio, Biñan City, Laguna.
Base sa pahayag ng store crew ng Alfamart na si Ronald Rey Espinosa, 34, pumasok ang dalawang suspek sa tindahan na may dalang baril umano.
Nagdeklara umano ng holdup ang mga suspek, nagpaputok ng dalawang beses sa kisame at saka hinablot ang humigit kumulang P 12,510 sa kaha.
Agad tumakbo paalis ang mga suspek papuntang Bgy. San Vicente ngunit nakorner ng taumbayan si Mercado at nakatakas naman ang isa pang suspek na di pa nakikilala.
Agad rumesponde ang mga pulis ng Binan police na nagsasagawa ng pagbisita sa mga establisyimento na malapit sa nasabing lugar.
Agad namang nadakip si Mercado at nakumpiska sa kanya ang 1 unit ng Caliber .38 revolver, Armscor na may Serial No 1604096 at may dalawang piraso ng caliber .38 live ammunition. Nakuha din sa lugar ang isang deformed fired bullet at dalawang piraso ng fired cartridge cases.
Si Mercado ay nasa kustodiya ng Binan police habang kasalukuyang isinasagawa ang hot pursuit operation para sa posibleng pagkaaresto ng isa pang suspek na tumakas tangay ang humigit kumulang P 12,510.
“Kapuri-puri ang Binan CPS sa pagkaaresto ng suspek na ito. Gayundin ay nagpapasalamat kami sa mga concerned citizens na tumulong upang makorner ang suspek. Bagamat nakatakas ang isa pang suspek ay tiwala ang kapulisan na mapapasakamay din siya ng batas,” ani P/Col. Ison Jr.
“Iimbestigahan din natin ang grupo ni Mercado kung involved sa mga series ng pangho-hold up sa mga Alfamart at iba pang retailer stores sa Laguna at sa mga karatig probinsiya. Kapag lumabas sa imbestigasyon na may grupo nga ito ay hindi namin titigilan hanggang sa hindi sila nauubos,” ani PBGen Antonio C Yarra.