B-day party pinaulanan ng bala, binatilyo patay

September 20, 2021 Melnie Ragasa-limena 223 views

NAGING madugo ang pagdiriwang ng isang birthday party makaraang paulanan ng bala ang pagtitipon na ikinasawi ng isang 16-anyos na binatilyo sa loob ng tahanan sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Ang biktimang namatay ay nakilalang si Mico Gracia Balosa, 16, student, at residente ng No. 50 Alley 6, Brgy. Batasan Hills, QC, habang sugatan naman ang kaibigang si John Paul De Juan, 19, binata, construction worker, at naninirahan sa 191 Bayanihan St., Sitio 3, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas- 12:40 ng madaling araw (September 20), nang maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng biktimang si De Juan.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Nido Gevero Jr., ng CIDU, dumalo ang biktima, kasama si Raymond Villarey sa birthday ng anak-anakan ni De Juan sa tahanan nito.

Habang nag-iinuman sina Balosa, De Juan at kasamang si Villarey ay bigla na lamang pumasok sa tahanan ang isa sa suspek at pinagbabaril ang nag-iinumang mga biktima.

Agad namang nakapagtago si Villarey kaya hindi ito natamaan ng ratratin sila ng suspek. Nang duguang bumagsak ang mga biktima ay mabilis na tumakas ang suspek at sumakay sa motorsiklo kung saan nakaabang ang kaniyang kasamahan na nagsilbing lookout.

Agad na isinugod ang mga biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklarang dead-on- arrival si Balosa bandang ala- 1:30 ng madaling araw, ni Dr. Rae Patrick Talampas, habang si De Juan at inooberbahan pa sa ospital.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtotidad sa motibo ng pamamaril upang makilala ang mga salarin.