Azurin

Azurin, ginawaran ng ‘testimonial parade’ sa PMA

April 22, 2023 Zaida I. Delos Reyes 197 views

GINAWARAN ng “testimonial parade” nitong Sabado sa Philippine Military Academy (PMA) si Philippine National Police (PNP) Chief P/Brig. Gen. Rodolfo Azurin Jr., dalawang araw bago siya magretiro.

Ang testimonial parade ay bahagi ng tradisyon sa PMA sa mga cavaliers nito na nagtapos na ang pamumuno sa mataas na posisyon sa kani-kanilang serbisyo.

Si Azurin ay nakatakdang magretiro sa Lunes (Abril 24) sa pagdiriwang ng kaniyang ika-56 taong kaarawan, ang mandatory age retirement sa PNP.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Azurin na “handa” na siyang magretiro at kuntento na siya sa narating ng kaniyang police career.

Bago ang paggagawad ng testimonial parade ay sinalubong ni PMA Supt. Lt Gen. Rowen Tolentino ang pagdating ni Azurin sa nasabing akademiya nitong Sabado ng umaga.

Si Azurin ay produkto ng PMA “Makatao” Class of 1989 at kauna-unahang PNP chief sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Una nang inihayag ni Azurin na wala siyang pinagsisisihan sa ilalim ng kaniyang halos siyam na buwang panunungkulan bilang PNP chief. Si Azurin ang ika-28 PNP chief na nanungkulan sa puwesto noong Agosto 1, 2022.

Aniya, napagtagumpayan niya ang mga hamon ng organisasyon partikular na ang pagsisiwalat ng mga personalidad na nasa likod ng malawakang transaksiyon ng iligal na droga sa bansa sukdulang sinuman ang tamaan.

Kaugnay nito, anim na opisyal naman sa PNP ang pinagpipilian para humalili sa puwestong babakantehin ni Azurin na kinabibilangan nina PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermoni at Lt. Gen. Michael John Dubria, Chief of the Directorial Staff.

Samantalang ang iba pang mga contenders ay sina Major Gen. Eliseo Cruz, Director ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM); PNO Deputy Chief of Operations Major Gen. Jonnel Estomo; National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major Gen. Edgar Alan Okubo, at Criminal Investigation and Detection Group Director P/Brig. Gen. Romeo Caramat Jr.