Default Thumbnail

Ayuda sa trike drivers pinamamadali ni Sen. Win Gatchalian

July 2, 2022 Marlon Purification 296 views

Marlon PurificationSINITA ni Senador Win Gatchalian ang mga local government unit (LGUs) at Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa matagal na pagkaantala ng pamamahagi ng ayuda sa mga tricycle driver kasunod ng napakataas na presyo ng krudo.

Ayon kay Win, hindi dapat naantala ng ganito katagal ang Pantawid Pasada para sa mga tricycle driver kung wasto ang listahan nila ng mga benepisyaryo na isusumite sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Hanggang ngayon ay wala pang tricycle driver na nakakuha ng kanilang ayuda. Walang saysay ang pamamahagi ng ayuda kung matagal itong hindi naibibigay habang tuloy-tuloy na tumataas ang presyo ng krudo,” ani Win.

“Malaking bagay ang programang Pantawid Pasada para sa kanila na, tulad din ng ibang PUV drivers ay, umaasa sa arawang pamamasada at apektado rin ng nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin,” dagdaga pa ni Win.

Nabatid na nakarating sa kaalaman ni Win na base sa random check na ginawa ng Land Bank of the Philippines, ilan sa pangalang nasa listahan ng targeted beneficiaries na isinumite ng DILG at LGUs ay hindi tumugma sa mga pangalan ng mga may hawak ng e-wallet account at ito ang nag-udyok sa LTFRB na hilingin sa departamento na ayusin ang listahan.

Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular 2022-047, inaatasan ang mga LGU na magsumite ng validated list ng mga of tricycle driver, tricycle franchisees, addresses, electronic wallet accounts at bilang ng mga pumapasadang tricycle at iba pang detalye sa loob ng kani-kanilang nasasakupan.

Ang nasabing mga detalye ay dapat ihanda at sertipikadong tama ng pinuno ng Tricycle Franchising Board at ng mga pinuno ng lokal na Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).

Sertipikado rin dapat ito ng mga mayor at vice mayor.

Ang prosesong ito ay para masiguro na tama at lehitimo ang listahang ipinasa sa Department of Transportation-LTFRB.

Hindi tulad ng iba pang mga benepisyaryo na sa pamamagitan ng cash cards natatanggap ang Pantawid Pasada, ang mga hindi cardholder tulad ng mga tricycle driver ay makakatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng e-wallets.

Para masolusyunan ang sitwasyon, ang LTFRB at Landbank ay maglalabas ng supplemental guidelines para payagan ang mga benepisyaryo na makuha ang kanilang fuel subsidy sa pamamagitan ng “over the counter” sa alinmang branch ng Landbank sa buong bansa. Kailangan lamang ipakita ang valid driver’s license.

“Sana ma-finalize na sa lalong madaling panahon ng DILG at mga LGU ang listahan nang sa gayon ay masimulan na ang proseso ng pamamahagi ng fuel subsidy na P1,000 kada tricycle driver-beneficiary na umaabot na sa 617,806 sa buong bansa,” wika ni Win.

Ang pamamahagi ng unang yugto ng fuel subsidy para sa mga tricycle driver ay unang itinakda noong Mayo ngunit naantala ito dahil kalalabas lang ng listahan ng DILG.

Sa ganang akin, maganda ang panawagang ito ni Win.

Kung tutuusin, hindi na dapat na isang senador pa na katulad ni Win ang sumisita sa DILG.

Anyhow, hindi na si Secretary Ano ang namumuno ng DILG ngayon.

Naniniwala tayong sa pag-upo ni bagong DILG Sec. Benhur Abalos ay mapapadali na ang pagbigay ng ayuda sa mga tricycle drivers.

Nakayayamot kasing isipin na kakarampot na barya na nga na nakaukol na sana sa mga kababayan nating tsuper ay hindi pa agad maibigay sa kanila.