‘Ayuda’ sa PWDs, solo parents sa Hermosa ibinigay na ng DSWD-AICS

December 6, 2022 Christian D. Supnad 101 views

HERMOSA, Bataan – Pinangunahan ni Mayor Jopet Inton nitong Martes ang distribusyon ng financial assistance o “ayuda” para sa kanyang mga kababayan sa bayan ng Hermosa.

Ani Mayor Inton, “Patuloy po ang pamamahagi natin ng ‘Assistance to Individuals in Crisis Situation’ o AICS. Ito ay dala sa atin ng pinagsamang puwersa ng lokal na pamahalaan ng Hermosa, Senator Grace Poe, at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).”

Kasama sa distribution ng ayuda sina Vice Mayor Patrick Rellosa, Municipal Administrator Rex Jorge, Konsehala Luz Jorge Samaniego, Konsehal Lou Narciso, Konsehal Jason Enriquez, at SK (Sangguniang Kabataan) Chair Bea Lim.

Nangako si Mayor Inton na “walang tigil ang pakikipagtulungan ng ating pamahalaang lokal upang makapagbigay ng tulong sa ating mga kababayan.”

“Sama-sama sa patuloy ng paglipad ng Bayan ng Hermosa. Mabuhay po kayo,” dagdag pa ni Mayor Inton na isang licensed commercial pilot.