
Ayuda sa Mayon victims P131M na
UMAKYAT na sa P131.2 millyong halaga ng tulong ang naiabot ng gobyero sa mga biktima ng patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Mayon sa Bicol Region.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang halaga ay mas mataas sa naiulat nitong June 28 na umabot lamang sa P105 milyon.
Ginamit ang halaga sa pagbili ng distilled water, drums, family food packs, family kits, family tents, financial at fuel aid, hog grower feeds, hygiene kits, laminated sacks, malongs, modular tents, nets, nylon ropes, rice at tarpaulins.
Sa kasalukuyan, nasa 11,045 pamilya o 42,815 katao na nakatira sa 26 barangays ang naapektuhan ng pag-aalburuto ng bulkan.
Sa nasabing bilang, 5,775 pamilya o 20,134 katao ang nanunuluyan sa 28 evacuation centers habang ang 408 pamilya o 1,427 katao ay mas piniling manirahan sa labas ng evacuation centers.
Una nang nilinaw ng Office of Civil Defense (OCD) na kasama sa mga bilang ng naapektuhan ang mga residenteng hindi na kailangang ilikas subalit apektado ang pamumuhay.