Awra

AWRA NAHAHARAP SA PATONG-PATONG NA KASO

June 30, 2023 Edd Reyes 355 views

HINDI ninyo ba ko kilala? Put— in- ninyo, wala akong pakialam sa iyo Miranda!” Ito umano ang isa sa binitiwang panlalait ng aktor na si Mc Neal Briguela, kilala sa pinilakang-tabing bilang Awra Briguela, 19, sa mga nagrespondeng tauhan ng Poblacion Sub-Station ng Makati City Police bago siya tuluyang pinosasan at inaresto nang hindi maawat sa pagwawala.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, humingi ng tulong sa pulisya ang customer ng Bolthole Bar sa Gen. Luna St., Barangay Poblacion na si Mark Christian Ravana, 24, at bouncer na si Angelo Nino Gulmatico, 33, bunga ng nagaganap na kaguluhan Huwebes ng dakong alas-5 ng madaling araw.

Sinabi ni Ravana na nagsimula ang gulo nang lapitan siya ni Briguela, kasama ang pito pang ka-grupo, at sa hindi batid na dahilan ay pinahuhubad sa kanya ang suot na t-shirt.

Nang tumanggi si Ravana at nagpasiyang umakyat sa itaas palabas ng bar, sinundan umano siya ni Briguela at puwersahang pinunit ang kanyang suot na damit na dahilan ng pagsisimula ng kaguluhan.

Nang magresponde ang mga pulis, tinangka nilang mamagitan at awatin sa pagwawala si Briguela subalit nagalit at pinagsalitaan ng aktor ng masasakit at kabastusang salita ang mga awtoridad.

Nang lapitan ng mga pulis ang aktor, itinulak pa umano ang alagad ng batas kaya’t dito na siya inaresto at pinosasan upang matigil ang pagwawala.

Ayon sa tanggapan ng SPD Public Information Office, nakapag-sumite na ng pangunang kopya ng case folder ang mga imbestigador sa Makati City Prosecutor’s Office bago tuluyang iprinisinta si Briguela araw ng Biyernes para sa inquest proceedings kaugnay sa mga kasong physical injuries, alarm and scandal, disobedience to a person in authority at direct assault.

AUTHOR PROFILE