Awra Source: Screen grab sa Facebook

Awra di nakapagpalit ng damit sa kulungan

July 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 294 views

Naka-jacket na may hood ng pansamantalang makalaya

PANSAMANTALANG nakalaya sa detention facility ng Makati City Police Station ang aktor-comedian na si Mc Neal Briguela, na kilala bilang Awra Briguela sa pinilakang tabing, makaraang makapaglagak ng piyansa Sabado ng gabi.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, naglagak ng halagang P6,000 na piyansa si Briguela makaraang ibaba ng Tagausig mula sa Makati City Prosecutor’s Office sa slight physical injury at simple disobedience to a person in authority ang kasong isinampa sa komedyanteng aktor na nagsimulang pumaimbulog sa mundo ng pinilakang tabing nang gumanap ng mahalagang papel sa seryeng FPJ’s Ang Probinsiyano na pinagbidahan ni Coco Martin.

Nauna ng sinampahan ng pulisya ng mga kasong physical injuries, alarm and scandal, disobedience to a person in authority at direct assault si Briguela matapos masangkot sa kaguluhan sa loob ng Bolthole Bar sa Gen. Luna St. Brgy. Poblacion noong Huwebes ng madaling araw.

Sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi sa loob ng detention facility ng Makati Police Station, hindi na nagawang makapagpalit ng kanyang damit ang komedyante at nagpasiyang takpan na lamang ng face mask at suot na jacket na may hood ang ulo at mukha nang lumabas sa headquarters ng pulisya.

Tumanggi si Awra at kanyang abogado na magbigay ng pahayag kaugnay sa pagkakasangkot niya sa kaguluhan at akusasyon laban sa kanya ng pulisya, pati na rin ng customer at bouncer ng bar.