AWOL na pulis timbog sa carnapping

June 10, 2022 Jonjon Reyes 113 views

HINDI na nagawang makapalag ang isang pulis na nag-AWOL (absent without leave) makaraang posasan at bitbitin sa harap ng barangay hall sa Sta. Mesa, Maynila dahil sa kasong carnapping gabi nitong Huwebes.

Ang suspek na pulis ay dating naka-assign sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) ng Manila Police District (MPD) at residente ng Ang Buhay St., Sta. Mesa.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Dionelle Brannon, station commander ng MPD-Sta. Mesa Police Station 8, bandang alas-9:00 ng gabi nitong Huwebes, nang masakote ang suspek sa harap mismo ng barangay hall sa Bgy. 597 Zone 56 ng ika-6 na distrito ng lungsod.

Nahuli ang dating pulis ng mga operatiba at pinagsanib na puwersa ng Station Warrant and Subpoena Section at ilang tauhan ng NCRPO-RMFB, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Maria Paz Rivera Reyes-Yson ng Regional Trial Court Branch 54 ng Maynila na may petsang Hunyo 8, 2022 dahil sa kasong paglabag sa New Anti- Carnapping Law (Republic Act 10883) na may piyansang P300,000.

Ang suspek rin ay nasa top 4 na most wanted sa station level at pinuri naman ni MPD-Director P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco ang Sta. Mesa Police Station 8 sa mabilis nitong aksiyon.

AUTHOR PROFILE