Awayan ng pamilya

November 27, 2021 Magi Gunigundo 328 views

Magi GunigundoTANGGAP ng Estado na may mga pagkakataon na magtatalo, magkakatampuhan, at mag-aaway ang mga miyembro ng isang pamilya na tinuturing ng Saligang Batas na pundasyon ng ating lipunan. Normal lang na mag away ang magkapatid na nag-uunahan sa laruan, pagkain, damit, atbp. Pero may mga away na mahirap pagbatiin ang miyembro ng isang pamilya. Upang hindi humina at mapanatili ang katahimikan at tibay ng pamilya, ang Family Code , Civil Code , Revised Penal Code at Rules of Court ay may mga probisyon na magagamit para maiwasan ang away at mapagkasundo ang pamilya upang hindi na umabot sa hukuman ang usapin na magpapalala lang sa away ng isang pamilya.

Maliban na lang kung ang kaso ay sinampa niya laban sa asawa, ang isang tao ay hindi maaaring pilitin na tumestigo laban sa kanyang asawa o di kaya ay puwersahin na isiwalat ang mga impormasyon na ibinahagi sa kanya ng kanyang asawa ng walang pahintulot ng kabiyak( Sec 23 at 24, Rule 130, Rules of Court).

Hindi rin maaaring pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa kanyang mga magulang, anak , at apo maliban na lamang kung ang kanyang patotoo o pahayag ay kailangang kailangan para patunayan ang isang krimen laban sa taong nasasakdal o sa krimen na ginawa ng kanyang magulang laban sa isa pang magulang ( Sec 25, Rule 130, Rules of Court; Artikulo 215, Family Code).

Sinasabi rin ng Artikulo 332 ng Revised Penal Code na para sa krimen ng “theft, swindling at malicious mischief,” hindi maaaring magsampa ng kasong kriminal kapag ang biktima at kriminal ay mag-asawa, maglolo (kahit hindi kapamilya sa dugo), biyudo o biyuda tungkol sa ari arian ng nasirang asawa, at magkakapatid na parehas ng magulang. Ang remedyo ng biktima ay humingi ng daños perwisyo sa usaping sibil para sa pinsalang tinamo.

Ang salitang “ affinity” ay ginamit sa Artikulo 332 ng Revised Penal Code. Sa konseptong ito, ang isang tao ay tinuturing na kamag anak ng pamilya ng kanyang asawa kahit wala silang ugnayan sa dugo sa mga ito. Nilikha ito ng batas upang palakasin ang pamilya at ang mga relasyon nabuo dahil sa kasal. Hindi nawawala ang pagiging magkamag-anak kahit na namatay na ang asawa na siyang tulay para matawag na kamag anak ang isang hindi kadugo. ( Intestate Estate Of Manolita Gonzales Vda. De Carungcong, Represented By Mediatrix Carungcong, As Administratrix, vs. People Of The Philippines And William Sato, 2010).

Walang habla sa hukuman sa pagitan ng dalawang magkatunggaling panig na buhat sa isang pamilya ang maaaring litisin kung walang nakasulat sa habla ng nagrereklamo na mayroon masigasig na pagsisikap na makipagkasundo sa kapamilya subalit nabigo ito. Kung wala nito, ang kabilang panig na hinahabla ay maaaring hilingin sa hukuman na ibasura ang kaso (Artikulo 151,Family Code).

Sino ba ang kabilang sa isang pamilya? Ang sagot ay nasa Artikulo 150 ng Family Code na may lista ng mga relasyon na bumubuo ng isang pamilya : a. ang mag-asawa; b. magulang at anak; c. at magkakapatid na pareho ng ama at ina o di kaya ay pareho ng isang magulang. Kung wala sa listahan, tinuturing na mga istranghero sa pamilya ang magkabilang panig tulad ng magbayaw o maghipag o magbilas o magbalae, magpipinsan buo o makalawa , at tiyuhin/tiyahin at mga pamangkin.

Dahil dito, kapag mayroon di kapamilya na nagrereklamo o inuusig sa usapin sibil, hindi maaaring gamitin ang Artikulo 151 para ipabasura ang kaso. Hindi kasi makatwiran para sa isang istranghero sa pamilya na mabalam ang paghingi niya ng hustisya sa hukuman para lang bigyan daan na maresolba ang away ng isang pamilya na hindi naman siya bahagi nito. Sa kaso ng Moreno v Kahn (2018), hinabla ng isang lalake ang kanyang kapatid na babae at mga pamangkin niya dito. Sinabi ng Korte Suprema na hindi saklaw ng Artikulo 150 Family Code ang relasyon ng tiyuhin at mga pamangkin at tinuturing silang istranghero kaya hindi pinahintulutan ng korte ang hiling na ibasura ang kaso .

Ang Artikulo 151 ng Family Code ay para lang sa mga ordinaryong hablahan sa korte na tumutukoy sa karapatan na pinapatupad laban sa isang ayaw igalang ito o di kaya ay paghingi ng tulong sa pinsalang tinamo ng isang panig sa ginawang paglapastangan sa kanyang karapatan . Hindi saklaw ng Artikulo 151 ang mga usapin na hindi maaaring pagkasunduan sa ilalim ng Artikulo 2035 ng Civil Code tulad ng civil status ng isang tao( kung lehitimo o ilehitimo), bisa ng kasal o batayan para maghiwalay ng ligal ang mag asawa, hinaharap na suporta o sustento at hinaharap na mamanahin.

Hindi puedeng gamitin ang Artikulo 151 sa mga special proceedings na humihiling ng paghirang ng administrador ng naiwang ari arian ng isang taong namatay o di kaya ay ang paghahati ng kayamanan naiwan ng namatay sapagkat walang inuusig sa ganitong klase ng petisyon sa korte. ( Manalo v CA, 2001).

Sa pagpasok ng mahalagang buwan ng Disyembre, nawa ay umiral ang pagmamahalan sa loob ng pamilya na pinangangalagaan ng batas.

AUTHOR PROFILE