Australian

Australian, 2 Pinay nagdeposito ng pekeng $496,000, arestado

November 21, 2024 Edd Reyes 115 views

TIMBOG ang Australian national at kasama niyang dalawang Pinay nang tangkaing magdeposito ng pekeng dolyar na umaabot sa $496,000 sa bangko noong Miyerkules sa Makati City.

Kasama ng Australian na si alyas Emmanuel, 42, ang dalawang Pinay na sina alyas Jessierose, 59, human resource employee ng foundation, at alyas Imelda, 59, retiradong accountant, nang magtangkang ideposit ang $496,000 na tig-$100 bill sa bangko sa Arnaiz Avenue, Brgy. San Lorenzo, Makati dakong alas-2:40 ng hapon.

Lumagda sa deposit slip ang dayuhan sa tulong ng dalawa niyang kasamang Pinay pero nang suriin ng kahera ang salapi, nagduda na siya na palsipikado ito kaya’t humingi sila ng tulong sa pulisya at hiniling sa kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang masusing pagsusuri sa salapi.

Dito na pinatunayan ng kinatawan ng BSP na pawang peke ang mga dolyares kaya’t inaresto ng mga security guard na sina Elmer at Michael ng Security Investigation Agency at mga tauhan ng Makati police ang tatlo.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, mahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o ang Illegal Possession and Use of False Treasury or Banknotes and Other Instruments of Credit sa Makati City Prosecutor’s Office.

Nagbabala rin si BGen. Yang sa publiko na mag-ingat at maging mapagmatyag sa posibleng pagkalat ngayong panahon ng Kapaskuhan ng mga pekeng salapi.

AUTHOR PROFILE