Aurora vice gov diskwalipikado — Comelec
TINULDUKAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon nito na tanggalin sa puwesto si Aurora Vice Governor Gerardo Noveras.
Sa resolusyong inilabas ng Comelec en banc, tinanggihan nito ang ‘motion for reconsideration’ na hinain ng kampo ni Noveras.
Alinsunod ang desisyon ng komisyon sa kasong isinampa ni dating Dipaculao Vice Mayor na si Narciso Amansec noong Abril 26, 2022 .
Nabatid na tumakbo bilang kandidato sa vice governor si Amansec sa 2022 NLE laban kay Noveras na natapos na ang termino nito bilang gobernador.
Hindi nakadalo si Amansec sa preliminary hearing ng Comelec noong Nobyembre 2022 na maaaring magresulta na agad sa pagdismis ng kanyang petisyon.
Ito ay dahil sa isang buwan bago ang pagdinig ay inambus at napatay si Amansec, ang kanyang asawang si Merlina at kanilang driver ng mga di kilalang mga suspek sa loob ng kanilang sinasakyang pick-up sa Barangay Dibatunan.
Subalit, nitong Setyembre 6 ay naglabas pa rin ng desisyon ang Comelec en banc na naka-base sa mga merito ng kaso na hindi maaaring isantabi lamang dahil matinding paglabag sa batas eleksyon dahil lamang sa isang technicality.
Ayon sa Rule 23 ng mga alintuntunin ng Comelec , ang kaso ay maaring ibasura kung hindi nagpakita ang petisyoner o ang kanilang abogado sa preliminary conference.
“However, strict adherence to procedural rules should not operate to shackle the Commission’s efforts to deter and punish the egregious disregard of prohibitions under our substantive electoral laws,” ayon sa desisyon ng Comelec.