Lopez

Atty. Lopez handang ibalik ang progreso, kaunlaran sa Maynila

April 22, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 74 views

NANGAKO si Manila Mayoralty candidate Alex Lopez na ibabalik sa progreso at kaunlaran sa pamamagitan ng kanyang mga plataporma ang lungsod sakaling manalong alkalde.

Sinabi ni Lopez, isang abogado at matagumpay na negosyante, na maraming problema ang idinulot ng coronavirus disease-19 (COVID-19) pandemic at iba pang suliranin na nagpabagal sa pag-ahon ng ekonomiya.

Tiniyak ni Lopez, anak ni dating Manila Mayor Gemiliano “Mel” Lopez, na makakabawi ang lungsod sa pamamagitan ng kanyang subok na karanasan at matatag na liderato na naipanday noong panahong namununo pa ang kanyang ama.

Aniya, bibigyan niya ng importansiya ang pagkakaloob ng epektibong serbisyong pang-kalusugan sa lahat ng mga tao.

Sinabi ni Lopez na ipaglalaban rin niya ang proteksiyon sa kalikasan bilang bahagi ng kanyang mga prayoridad.

Idiniin nito ang pangangailangan na makalikha ng trabaho at kabuhayan para sa mga taga-Maynila na naapektuhan ng pandemiya.

Iginiit rin ni Lopez ang pangangailangan na masugpo ang kahirapan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mahusay na kalidad ng edukasyon.

Sakaling mahalal bilang mayor ng Lungsod ng Maynila, sinabi ni Lopez na kanyang sisiguruhin ang paghahari ng kapayapaan at mapayaman pa ang sining at kultura.

Tiniyak niya na malinis, matapat, at epektibong pamamahala sa bayan ang pundasyon ng kanyang pamunuan.

Magugunitang nanguna ang Manila mayoralty candidate ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni presidential frontrunner at dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) sa pinakabagong surveys na isinagawa ng dalawang independent polling stations.

Base sa pananaliksik ng Far Eastern Research na isinagawa mula Abril 7 hanggang 14, nakakuha si Lopez ng 20,064 boto o 65.63 porsiyento ng 30,571 respondents sa online survey para sa mayoralty race.

Sa hiwalay na survey na isinagawa naman ng Original Matang Manila for Charity Media (OMMCM) mula Abril 9 hanggang 19, nanguna rin si Lopez na nakakuha ng 56 porsiyento ng 20,000 respondents bilang alkalde ng lungsod.

AUTHOR PROFILE