Default Thumbnail

Atty Gadon: May dahilan sa pag-iingay ng ICC

June 18, 2021 Paul M. Gutierrez 649 views

PaulNANINIWALA si Atty. Larry Gadon, ang sikat at respetadong abogado na nagpatanggal kay SC chief justice Ma. Lourdes Sereno, na may dahilan kung bakit kahit wala nang trabaho bilang ICC (International Criminal Court) chief prosecutor, itong si Fatou Bensouda, ipinipilit pa rin nitong “maimbestigahan” ang ‘Pinas at si PDU30 sa umano’y ‘crimes against humanity’ dahil sa mga namatay sa ‘War on Drugs’ ng pamahalaang Duterte.

Kahapon kasi, araw ng Biyernes, muling naging “bisita” ng National Press Club (NPC) sa regular nitong ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum si Atty. Gadon, kung saan isa mga naging tanong sa kanya ay ang kanyang pananaw sa ipinagpipilitan nitong si Bensouda na imbestigasyon ng ICC sa administrasyon ni Pang. Rody.

At aprub sa atin ang pananaw ni Atty. Larry nang sabihin niyang kailangan nga naman na ‘ma-justify’ nitong si Bensouda ang gastos ng kanyang tanggapan na ang bulto ay “donasyon” ng kung sino-sinong maimpluwensiyang grupo sapul nang siya ay maging ‘chief prosecutor’ noong 1992.

Kumbaga, kailangan nga namang maipakita nitong aleng ito kung ano naman ang naging pakinabang sa kanya ng ICC, sampu ng mga limpak na salapi na kanyang nagastos sa nakaraang higit walong taon niya sa puwesto.

***

Ano ba ang ipinipilit na mga “batayan” nitong si Bensouda upang imbestigahan ang gobyerno ng ‘Pinas? Eh, ano pa, bagkus isang tambak na mga akusasyon noon ni Sen. Trillanes na galing naman sa ‘perjured testimony’ nitong si Atty. Jude Sabio, ayon pa kay Atty. Gadon. At siyempre pa, ang mga ulat ng ‘Rappler’ hinggil sa mga namatay sa giyera kontra droga na napatunayan naman palang walang batayan dahil kontra sa opisyal na datos.

Take note, si Gadon ang nilapitan noon nitong si Sabio nang “maramdaman” niyang “ginagamit” lamang siya (Sabio) ni Trillanes upang siraan at atakehin si Pang. Duterte.

***

Sa ganang atin pa, ‘diversionary tactic’ lang itong pag-iingay ni Bensouda upang ilihis ang atensyon ng mga Pinoy sa mas kahindik-hindik na pagpatay at terorismo ng CPP-NPA, partikular ang paggamit ng mga bomba at pagpatay sa mga sibilyan katulad ng ginawa nila sa magpinsan na sina Kieth at Nolvin Absalon noong Hunyo 6 sa Masbate.

Pansinin na ang CPP-NPA ay “kaalyado” ng mga “Dilawan” at ni Trillanes sa ilalim ng bandila ng ‘1Sambayan,’ ang parehong grupo na nagsampa ng reklamo sa ICC laban kay PDU30.

At sa ipinakita ni Bensouda, eh, “alam na this,” kung ano ang kanyang relasyon kay Trillanes, sa CPP-NPA at sa 1Sambayan—magkakakampi sila, ano pa ba?

Na isang ‘hatchet job’ ang ginawa ni Bensouda laban sa administasyon upang ilihis ang atensyon ng mga Pinoy palayo sa terorismo ng CPP-NPA ay makikita rin sa katotohanan na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas. At dahil walang hurisdiskyon ang ICC sa ‘Pinas, malinaw na propaganda lang ang lahat ng ingay nitong si Bensouda at ng 1Sambayan laban sa ating gobyerno dahil sa dakong huli, wala naman itong patutunguhan, peks man!

Abangan!

AUTHOR PROFILE