Atty. Ed Chico, lawyer na, komedyante pa (O baliktarin natin?)
KARANIWAN, kapag sinabing stand up comedy sa Pilipinas, ang papasok kaagad sa isip natin ay mga gay na nagpapatawa, at kadalasan, ang pagpapatawa nila ay may halong ‘paninira’ o ‘pangwawasak’ sa ibang tao, bago sa kanilang sarili.
Dito kilalang-kilala si Vice Ganda at ang mga kasamahan niyang gay comedians. At ang dami nila.
Iilan lamang ang mga katulad ni Alex Calleja, isang straight guy stand up comedian, na kahit paano ay popular sa masa dahil sa kanyang exposure sa free TV at sa Youtube. In fact, maging ang Filipino-American stand up comedians sa Amerika na sina JR de Guzman at ang sikat na si Jo Koy ay kinikilala ang kanyang husay.
Ngayon, susubukan muli ni Boss Vic del Rosario ng Viva ang kanyang husay sa pagkilatis ng isang natatanging talento sa isang larangang hindi pa popular.
Ang pangalan ng bagong talento: Edward Chico.
Nang mapanood ng kilalang entertainment honcho (Boss Vic) si Edward (o Ed Chico) sa Greyhound at sa Viva Cafe (na pag-aari din ng mga del Rosario), naramdaman ng una na may kakaibang talento ito sa pagpapatawa. Kung ang madalas maging subject ni Jo Koy sa kanyang mga katatawanan sa buhay ay ang kanyang Filipina mom na si Josie, si Edward naman ay ang kanyang misis.
Bukod pa sa kanyang kakaibang istilo ng pagpapatawa, nakagugulat malaman na si Edward ay isang abogado. A working litigation lawyer. Na seryoso sa kanyang trabaho.
In fact, kapag lumalabas siya sa TV ay hindi bilang komedyante kundi bilang isang legal expert. Si Atty. Ed ay host ng radio show na “Tanggol Karapatan” sa Radyo Veritas. Isa rin siyang law professor, bar lecturer, at consultant sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Pero dahil sa kanyang natural sense of humor and gift of gab, natuklasan siyang isang mahusay at nakatutuwang host ng mga corporate shows.
Kalaunan, naging co-founder siya ng Insanithink (a play of words combining insanity and think), isang comedy troupe na kilala sa kakaiba nitong tatak na thinking comedy. Miyembro rin si Atty. Ed ng Comedy Cartel, isang pioneer sa point-of-view stand-up comedy sa Pilipinas.
Kamakailan lamang, pumirma ng kontrata ang kilalang political analyst sa Viva Artists Agency (VAA) hindi bilang abogado kundi bilang isang talent, isang komedyante.
“This is actually not part of the plan. Lawyer nga kasi ako. Until finally kinausap ko ang asawa ko and sa dynamics naming mag-asawa siya ang laging nasusunod. Pumayag naman.
“And nasabi ko kay Boss Vic na handa na ako sa mature roles,” ang sabi ni Atty. Ed sa solo presscon para sa kanya sa Viva boardroom. “Pero ang mag-Vivamax na pangarap ko ay hindi naman pala. Sabi niya (Boss Vic), kung magbi-Vivamax daw ako, ang magiging role ko ay abogado rin. So, balewala, hindi ba?,” nakatatawang sabi ni Atty. Ed.
Dagdag niya, “I just want to give this a try. I’ve done comedy because of a dare of a friend. I did an open mic a few years ago and I got the hang of it… and masarap magpatawa.”
Aminado si Atty. Ed na bilib siya kay Vice Ganda kahit hindi raw lahat ay umaayon sa style ng pagpapatawa nito minsan dahil may mga nao-offend. Pero ang mahalaga raw ay mas marami pa rin ang napapasaya ng tinatawag na Phenomenal Box-office Star.
At ngayong nasa Viva na si Atty. Ed, malaki ang posibilidad na makasama niya ang Viva artist din na si Vice sa isang proyekto.
Samantala, magkakaroon ng offical launch ang grupo niyang Insanithink sa August 24 sa Viva Cafe. Malalaman natin kung mapupuno ng tawanan ang buong Cubao.