Default Thumbnail

Ateneo ‘gunman’ haharap sa patung-patong na kaso

July 26, 2022 Melnie Ragasa-limena 259 views

SINAMPAHAN na ng patung-patong na kaso ang isang doktor na namaril sa loob mismo ng campus ng Ateneo de Manila University (AdMU) sa Bgy. Loyola Heights, Quezon City, nitong Linggo ng hapon na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ang dating mayor ng Lamitan, Basilan.

Ayon kay Maj. Wennie Ann Cale, tagapagsalita ng Quezon City Police District (QCPD), humarap si Doktor Chao-Tiao Yumol sa inquest proceedings ng Quezon City Prosecutor’s Office, Linggo ng gabi at sinampahan ng three counts of murder at frustrated murder in relation to Republic Act 10591 or the Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bukod dito sinampahan din nila si Yumol ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law, RA 10591 o mas kilalang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, direct assault, malicious mischief at reckless imprudence resulting in damage to property ang nasabing doktor.

Ito ay matapos na mapatay ang mga biktimang sina dating Lamitan, Basilan Mayor Rose Purigay, kanyang executive assistant na si Victor Capistrano at isang guwardiya sa Gate 3 ng Ateneo na si Jeneven Bandiala.

Sugatan naman ang anak ng dating mayor na si Hanna Rose at ang nurse na si Julia Manabat, 54, nang tamaan ng stray bullet sa balikat. Ang dalawa ay nasa ospital at patuloy pang inoobserbahan.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay QCPD Director P/BGen. Remus Medina, paghihiganti umano ang nagtulak kay Yumol para barilin si Furigay dahil noong mayor pa ito ay kinasuhan ng kasong cyberlibel at ipinasara ang infirmary clinic ng suspek dahil wala umanong permiso para mag-operate.

Sinabi naman ni Atty. Quirino Esguerra Jr., abogado ng mga Furigay, kinasuhan nila si Yumol ng higit sa 60 libel cases nang magpakalat ito sa Facebook ng mga malilisyosong post laban kay Furigay noong ito pa ang alkalde ng Lamitan.

Inakusahan naman ni Yumol si Furigay na isang umanong “drug lord” sa Basilan, at ang sitwasyon sa nasasakupan nito ay hindi maganda at diumano’y napakagulo.