‘Ate lang, hindi naman tita’ — Leren sa agwat ng edad nila ni Ricci
Tinatawanan na lang ng beauty queen na si Leren Mae Bautista ang mga basher na nagsasabing “tita” na siya ng boyfriend na si Ricci Rivero because of their age gap.
“Natatawa na lang ako minsan ‘pag sinasabi nila tita daw po ako ni Ricci. Sinasabi ko, ‘ate lang, hindi naman tita, ate lang,” natatawang sabi ni Leren sa sabayan nilang guesting ni Ricci sa talk show ni Boy Abunda.
Limang taon ang age gap nina Ricci at Leren pero ayon sa beauty queen, hindi rin niya ito nararamdaman dahil mature mag-isip ang BF.
“Parang mas matured pa siya sa akin pero ako ‘yung mas matanda,” sabi ni Leren.
Sa nasabing panayam, ay hindi na nila napag-usapan ang ex-girlfriend ni Ricci na si Andrea Brillantes at ang mga naging kontrobersiyang kaakibat nito.
Pero muli ay ikinuwento ng dalawa na first time nilang nag-meet sa charity work na isinagawa ng basketbolista last year sa Laguna kung saan ay konsehal si Leren.
Importante kasi ang date kung kailan sila nagkakilala dahil naakusahan nga si Leren na dahilan ng hiwalayang Ricci at Andrea.
Noon pa ay nilinaw na ni Ricci na wala na sila ni Blythe (nickname ni Andrea) nang magkakilala sila ni Leren pero marami pa rin ang hindi naniwala at ang tingin pa rin sa kanya ay nag-cheat siya sa aktres.