Ate Guy nangilid ang luha sa Elsa ni Aicelle
Para kay Aicelle Santos, hindi niya makakalimutan ang isang gabing experience niya sa nag-iisang Superstar at National Artist na si Nora Aunor nang manood ito ng “Isang Himala” musical play noong 2018.
“Yes po, nanood si Miss Nora Aunor sa amin, at naalala kong niyakap niya kami, nangingilid ang kanyang luha,” sabi ni Aicelle sa grand media launch ng “Isang Himala.”
“At may litrato ako, may ebidensiya, na magkahawak kami ng kamay, na kilig na kilig po ako. Ang naalala ko pa na sinabi niya, na nanumbalik lahat sa kanya, nu’ng kanilang ginawa ang ‘Himala,’” dagdag pa ng singer.
Ang “Isang Himala” ay isang musical play in 2018 na hango sa 1982 iconic film ni ate Guy na “Himala.” Si Aicelle ang gumanap ng iconic role na Elsa na ginampanan noon ng Superstar.
Ngayon ay isang pelikula na ang “Isang Himala” at isa sa official entries sa 50th Metro Manila Film Festival.
Siyempre, hindi maiwasang magkaroon ng comparison sa pagganap ni Aicelle bilang Elsa sa iconic performance ni ate Guy noon.
“Kung iisipin ko kung paano ba pinerform ni Miss Nora ang role, tapos ikukumpara ko kung paano ko rin ba gagawin, kung gagayahin ko ba siya o iibahin?
“Sa tingin ko po, hindi maganda, as an actor, na ‘yun ang pagbasehan ko – kung ano ang ginawa ng nauna sa iyo. Kaya lagi kong sinasabi na balikan ang script, balikan ang karakter, balikan ang mga kaeksena mo dahil ‘yun ang bubuo ng kuwento,” pahayag ni Aicelle.
“Doon mas makikita ng viewers kung sino ba talaga si Elsa. Kung ano ang kaibahan sa musical noon at dito sa pelikula. Noong musical kasi, wala kaming mga lapel, at boom mic lang,” dagdag pa niya.
Sa naturang presscon ay inanunsyo nga rin ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee na may espesyal na partisipasyon sa “Isang Himala” ang Superstar. Pero hindi na siya nagdetalye pa at panoorin na lang daw ang pelikula.
Matatandaang si Ricky ang orihinal na nagsulat ng script ng “Himala” at siya rin ang writer ng “Isang Himala.”
Directed by MMFF 2023 Best Director Pepe Diokno, kasama rin sa naturang MMFF film sina Bituin Escalante, Kakki Teodoro at David Ezra, among others. Ipapalabas ito sa Dec. 25.