Nora

Ate Guy, kandidato ng party-list

October 8, 2021 Vinia Vivar 494 views

Susubukan ni Superstar Nora Aunor ang kanyang kapalaran sa pulitika sa halalan 2022. Kahapon (October 8) ay nag-file na siya ng COC (certificate of candidacy) bilang representative ng NORAA party-list or National Organization for Responsive Advocacies for the Arts.

“Ako po si Nora Cabaltera Villamayor o mas kilala bilang Nora Aunor sa Phillipine Showbiz ay kumpirmado pong tatakbo po sa Halalan 2022 sa pamamagitan po ng party list na (NORA A) National Organization for Responsive Advocacies for the Arts.

“Sa mahigit limampung taon ko po sa entertainment industry ay marami pong umuudyok sa akin na pasukin po ang public service. Ito na po siguro ang tamang pagkakataon para po pagbigyan ang mga taong nagsusulong at naniniwala sa akin na ako po ay makakatulong lalo na po sa mga nangangailangan.

“Panahon na po para maibahagi ko rin ang mga adbokasiya at mga plataporma na aking binuo para po sa kapakanan ng nakakarami. Una na po rito para po sa pinakamamahal kong sining na nagluklok sa akin sa munting kinalalagyan ko po ngayon. Sa mga manggagawa at mga taong bahagi rito mapaharap o likod man po ng kamera.

“Sa tagal ko na po sa industriya ay naging saksi po ako sa hindi magandang trato sa mga naging kasamahan ko sa trabaho lalo na po ang mga maliliit na manggagawa na bukod sa hindi po nababayaran ng tama ay hindi po naibibigay ang nararapat para sa kanila,” ang bahagi ng official statement ni Ate Guy.

Ipinahayag din ng Superstar na nais niyang gumawa ng batas na mangangalaga sa karapatan ng maliit na manggagawa sa industriya.

“Mayroon mang institusyong tumutulong ay nakikita ko po na hindi sapat ang medical assistance at mga tulong na naibibigay sa kanila.

Kung ako po ay palarin, nais ko pong gumawa ng batas na mangangalaga sa kanilang karapatan at kapakanan lalo na yung mga hindi na makapagtrabaho at nagkakasakit,” aniya.

May magagandang plano rin si Ate Guy sa senior citizens, farmers at maging sa LGBTQ community.

“Wala po akong ibang hangad kundi ang makatulong at maipadama po sa inyo ang aking mabuting hangarin. At kung sakali po na ako ay manalo umasa po kayo na pipilitin ko na maging mabuting lider para po sa lahat. Muli, ako po si Nora Cabaltera Villamayor, Nora Aunor at ang inyo pong Ate Guy na nagsasabing gagawin ko po ang aking makakaya upang kayo po ay mapagsilbihan ng may malinis na hangarin, tapat at may pagmamahal. Gabayan nawa po tayong lahat ng Poong Maykapal at Maraming Salamat Po,” pagtatapos ng kanyang official statement.

AUTHOR PROFILE