Ashley3

Ashley, kabadong makatrabaho ang amang si Joko

September 30, 2022 Ian F. Fariñas 898 views

HINDI maitago ng baguhang si Ashley Diaz ang excitement sa pagsasama nila ng amang dating action star na si Joko Diaz sa Vivamax Original Movie na Mary Cherry Chua.

Ang Mary Cherry Chua, na ididirek ni Roni Benaid (2018 CineFilipino finalist), ang kauna-unahang lead role sa pelikula ni Ashley.

Kaya naman sa virtual storycon nito, sinabi ng dalaga na, “Siyempre excited ako to work with dad pero at same time, kabado rin. Pero imbes na ma-pressure ako, iniisip ko na lang na okay na ‘andito si Papa para may nahihingan ako ng tulong.”

Super proud naman si Joko sa anak kaya ganu’n na lang ang payong ibinibigay niya rito, tulad na lamang ng pagiging professional, ngayong nagsisimula nang matupad ang pangarap nito sa showbiz nang unti-unti.

Nangako naman si Ashley na hindi sasayangin ang malaking oportunidad na ibinigay sa kanya ng Viva big boss na si Vic del Rosario.

“I don’t want to mess this up dahil hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon,” pahayag ni Ashley.

Samantala, ang Mary Cherry Chua ay isang sikat na urban legend noong 2000 tungkol sa pagkamatay ng maganda at matalinong estudyante na ni-rape at pinatay diumano ng school janitor.

Ayon sa kwento, ang kaluluwa ni Mary ay nanatili sa eskwelahan.

Unang na-publish ang kwento ng pagmumulto ni Mary noong 2003 sa Book 2 ng True Philippine Ghost Stories. Noong 2017, nag-publish din ang Viva-Psicom ng isang pop-fiction base sa urban legend na ito.

Gagampanan ni Ashley sa Mary Cherry Chua ang karakter ni Karen, ang estudyanteng mahilig magbasa ng horror stories at maiintriga sa nasabing urban legend.

Si Abby Bautista naman ang gaganap na Mary Cherry habang si Joko si Mr. Manzano, ang term paper adviser ni Karen (Ashley).

Makakasama nila sa cast sina Kokoy de Santos (bilang Paco, duwag na research partner ni Karen), Lyca Gairanod (bilang Faith, ang supportive best friend ni Karen), Krisshia Viaje (Lena, protective ate ni Karen) at Alma Moreno (Ms. Estrella, dating guro na magbibigay-linaw sa nangyari kay Mary Cherry).

AUTHOR PROFILE