Arjo

Arjo, pursigidong tumakbo para sa prangkisa ng ABS-CBN

October 26, 2021 Ian F. Fariñas 444 views

ISA ang pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN sa mga rason kung bakit kumakandidato si Arjo Atayde bilang kongresista ng 1st district ng Quezon City.

’Yan ang inamin ng mommy niyang si Sylvia Sanchez sa finale virtual mediacon ng Kapamilya serye na Huwag Kang Mangamba nu’ng Martes ng gabi.

Ayon sa aktres, kung siya lang ang masusunod ay hindi siya pabor na sumabak sa pulitika si Arjo. Pero dahil iyon ang desisyon ng anak, wala raw siyang magagawa kundi ang suportahan at alalayan ito 100 percent.

Kwento ni Sylvia, high school pa lang bet na ni Arjo na maging politiko.

“Actually, kung ako ang tatanungin, ayoko. Alam ng anak ko ’yon at alam ni Enchong (Dee, isa sa co-stars niya sa Huwag Kang Mangamba) ’yon. Nag-uusap kami riyan ni Enchong.

“Ayoko, pero gaya nga ng sabi ko, anak ko ‘yan, eh. Wala akong magawa kundi suportahan na lang ang anak ko. High school pa lang nagsasabi na siya, ‘Gusto kong manungkulan, Mommy.’ Sabi ko, ‘Makakatulong ka naman kahit wala ka sa puwesto.’ Sagot niya, ‘Mas makakatulong ako ’pag nasa puwesto ako, Mommy.’ ’Yun ’yung totoo.”

At dahil nga saksi si Arjo sa hirap na dinanas ng mga Kapamilyang nawalan ng hanapbuhay nang ma-deny ang franchise ng ABS-CBN sa panahon ng pandemya, isa raw ito sa mga balak niyang tutukan sakaling palarin na magwagi ng puwesto sa Kongreso.

“Yes, because of ABS. Isa ‘yan sa reasons. Okay na, nanahimik na siya nu’n. Hanggang nang magsara ang ABS. Du’n talaga. ’Yun ang pinaka talaga, du’n siya nalungkot, nagalit, nalungkot siya (para) sa lahat ng Kapamilya. Sa mga kaibigan sa loob, mga pamilya, lahat-lahat, natanggalan ng trabaho tapos pandemic pa. ’Yun talaga ang isa sa pinakarason niya,” paliwanag pa ni Sylvia.

Dagdag niya, “Magandang rason ’yon kasi sabi nga niya, ‘Ma, ang daming naghihirap, ang daming kawawang kapamilya. Gusto ko lang silang tulungan…
mahirap talaga, pero sana walang maghihirap sa gitna ng pandemya.’

“So, nakikita niya ’yung paghihirap ng lahat kaya mas pursigido siya na tumakbo,” diin ni Sylvia.

Anyway, huling tatlong linggo na lamang ang itatakbo ng Huwag Kang Mangamba sa Kapamilya Channel, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, WeTV at iflix, kaya naman ganu’n na lang ang pasasalamat ng buong cast, kabilang sina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Seth Fedelin, Mylene Dizon, Dominic Ochoa, RK Bagatsing, atbp. sa lahat ng tumutok at tututok pa rito.

Magawa nga kaya nina Mira at Joy (Andrea at Francine) na pag-isahin ang buong Hermoso at ibalik ang pananalig ng mga tao kay Bro para masimulan na ang paghihilom ng bayan? Abangan…

AUTHOR PROFILE