Archie nakatakdang maghain ng counter affidavit sa kaso ni Rita
Mariin umanong pinabulaanan ni Archie Alemania ang akusasyon sa kanya ni Rita Daniela.
Matatandaan na sinampahan ni Rita ng kasong acts of lasciviousness si Archie kamakailan dahil umano sa ginawang pambabastos at kahalayan sa kanya noong Setyembre.
Sa online show ni Cristy Fermin ay sinabi ng batikang host na nakausap niya si Archie at sinabi raw ng aktor na walang katotohanan ang mga ibinibintang ni Rita.
Lahat umano ng kwento ng aktres ay hindi nangyari.
“’Hindi po totoo ‘yan,’ sabi ni Archie. Nagulat na lang daw siya, biglang lumabas na sa social media, nagsampa na ng kaso sa piskalya ng Bacoor,” sey ni ’Nay Cristy.
Kwento pa ng batikang host, lumapit pa si Rita kay Archie at umiiyak na sinabing “Kuya, ayoko nang mag-attend pa ng mga ganitong party kasi parang pinagkakaisahan naman nila ako.”
Sinabi raw ni Archie kay Rita na hindi ito pinagkakaisahan. Kaya ang tanong ng aktor, kung talagang binabastos niya si Rita sa party pa lang, bakit lumapit pa sa kanya ang aktres para mag confide.
Nilinaw naman ni ‘Nay Cristy na wala siyang pinapanigan o kinakampihan kina Archie at Rita.
“Wala po kaming victim blaming dito, ha, binabalanse lang namin ang mga kuwento tutal naman naglantad na si Rita doon sa sinumpaan niyang salaysay,” sey ni ‘Nay Cristy.
“Pero kung totoo po na na-violate ang kanyang pagkatao, ang kanyang karapatan, dapat lang po siyang panagutan ng kung sinuman na nangbastos,” pahayag pa ni CSF.
Ibinalita rin niya na may abogado na si Archie at magbibigay din ang aktor ng kanyang counter-affidavit sa kasong inihain sa kanya ni Rita.