Default Thumbnail

‘Araw Nyo Serbisyo Ko’ ni VM Yul Servo, tuloy-tuloy

June 8, 2023 Edd Reyes 858 views

SA pakikipagtulungan ng tanggapan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan, umabot na sa mahigit 24,500 na residente ng Maynila ang napagsilbihan ng medical mission ni Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto na tinaguriang “Araw Nyo, Serbisyo Ko” na karamihan ay nagmula maralitang komunidad.

Ang mga medical mission na isinagawa sa City of Manila’s District 1-6, ay nagbigay ng libreng serbisyong medikal tulad ng general check-up, minor surgery, dental cleaning, eye check-up at libreng eyeglasses habang para sa wellness program nito, ang programa ay nagbigay ng libreng masahe, pagtanggal ng kuto, gupit at facial bukod sa iba pa at nakatulong din sa mga residente ng Maynila sa kanilang problemang legal at pangunahing dokumentaryong kinakailangan.

Bukod sa libreng almusal na inihain sa mga medical missions, may libre ring bakuna laban sa rabies sa mga alagang hayop na isang patunay na ang programang pangkalusugan at kagalingan ng bise alkalde ay komprehensibo at tumutugon sa mga pangangailangan ng mga benepisyaryo.

Sa isang panayam sa isa sa mga nakatanggap ng serbisyong medikal nito lang nakaraang Sabado, sinabi niyang malaking tulong ang medical mission sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

“Nakapagpa-checkup na kami ng libre, nabigyan pa kami ng maintenance at gamot na kinakailangan namin. Hindi din kami nagutom kasi may binigay silang almusal. Maayos din at organisado ang kanilang ginagawa. Sana ipagpatuloy nila Vice at Mayora, kasi malaking ginhawa ito lalo na sa aming mga mahihirap. Yung natipid namin, puwede na naming pambili ng bigas at ulam.

Maraming salamat po talaga Vice Mayor Yul Servo Nieto at Mayora Honey Lacuna.”

Nagpaabot naman ng lubos na pasasalamat si Vice Mayor Nieto sa mga pribadong organisasyon tulad ng Manila Chinese Action Team (MCAT), Scout Royale Brotherhood, Lions Club International, Zabcus Builders at iba pa.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa suportang ipinagkaloob sa kanilang medical mission ng Philippine Coast Guard, VIB Manila, Manila Health Department, Fight for Sight Optical Center, Kusina Manila, MMDC Massage and Hair Cutters, Meeras Panemorfi Beauty & Wellness, RAHA Fire Volunteers, iba’t-ibang mga ospital at sentrong pangkalusugan sa pagbibigay ng tulong sa programa, gayundin ang mga supportive chairperson ng iba’t-ibang lugar.

Ini-anunsiyo rin ni Vice Mayor Nieto ang nakatakdang malaking medical mission na ganapin sa Sabado, Hunyo 10, 2023 sa Bgy. 528 Zone 52 sa Blumentritt Road sa pagitan ng Sto. Thomas St. at Espana Blvd., Lungsod ng Maynila sa pakikipagtulungan ni Chairperson Maricel Espino.

AUTHOR PROFILE