Default Thumbnail

Aral ni Sara

November 19, 2021 Allan L. Encarnacion 272 views

Allan EncarnacionNATAPOS na ang waiting game kung sinu-sino ang mga maglalaban sa 2022 Presidential election.

Tumining na ang tubig na dati’y malabo pa sa sabaw ng pusit.

Iyong pinakahihintay ng lahat ng posibilidad ng pagtakbo ni Sara bilang Presidente ay hindi nangyari. Mas ginusto ni Inday na kumandidatong bise-presidente na posibleng ikinadismaya ng marami.

Kung mayroon mang iniwanang bakas ang political scene na ito, iyon ay ang aral na pakikinabangan nating lahat, iyon ay nagmula sa anak ni Presidente Duterte.

Si Sara ay topnotcher, sabi nga, President-in waiting na siya dahil sa tibay ng kanyang estado sa lahat ng political surveys. Pero hindi niya ito sinunggaban kahit para sa iba ay malaking panghihinayang ito.

Sa edad na 42, batang-bata pa si Sara kaya kung 2028 Presidential election ang kanyang pinaghahandaan, tama lang ang kanyang pagpapahinog kung magwagi siya sa pagka-bise presidente sa 2022. 48 years old pa lang siya sa 2028 election.

Ang aral dito ay huwag masyadong atat, huwag sunggab nang sunggab. Sabi nga, hindi lahat ng prutas na nasa iyong harapan ay puwedeng kainin. Baka sumakit ang iyong tiyan.

Doon sa isyu ng pagpapahinog, bagama’t si Sara ay taga sa panahon na local executive, isa rin itong lawyer by profession. Ibig sabihin, may bitbit itong maleta na puno ng kanyang kakayahan.

Ipogpalagay na rin natin na siya ang mananalo sa VP race, malaking papel ang kanyang gagampanan sa sino man ang magiging Presidente. Sa ngayon, si BBM ang nasa top liner ng survey, kung hindi magbabago ang mga numero hanggang sa susunod na tatlong buwan, makikita na natin ang BBM-Sara tandem in action.

Kakilala naman nating lahat si Sara, hindi ito madaldal at maingat ito sa lahat ng mga salitang lumalabas sa kanyang bibig kaya wala tayong nakikitang pag-aawayan nila ng kanyang Presidente.

Ang talagang naging problema ni VP Leni, ang naging trabaho niya sa loob ng mahigit limang taon ay maghanap ng mga mali sa Duterte administration kaya talagang hindi sila magkakasundo at hindi talaga siya mabibigyan ng position.

Si Sara na may mawalak na karanasan sa local government, baka puwede siyang maging concurrent DILG secretary para mangasiwa ng peace and order ng bansa. Masasayang si VP Sara kung DSWD ang ibibigay sa kanya.

Hindi ito pagiging presumptive, ang sinasabi ko lang ay hahangaan mo rin ang patience ni Sara na maghintay ng kanyang oras sa halip na makipagbalyahan sa panguluhan sa 2022.

Posible ring tinitingnan ni Sara na baka hindi maganda ang dating sa publiko kung siya agad ang kasunod na Presidente ng kanyang tatay. Breathing/breeding ang tawag doon na puwede ring maging lesson for the day.

Sa pangkalahatan, makikita mo rin ang mataas na uri ng pulitika ni Sara na sa tingin ko ay hindi maikukumpara sa pulitika ng kanyang ama.

Aabangan natin ang labanan sa pagka-VP dahil noong wala pang deklarasyon si Sara, si Tito Sen ang consistent number one kaya magandang bantayan ang mga survey sa susunod na buwan hanggang Abril 2022.

[email protected]