
Ara gustong tularan si Ate Vi, ipinakilala si Ate Sarah

HUMARAP sa entertainment media ang aktres at singer na si Ara Mina sa magarang building ng St. Gerrard Construction sa Pasig.
Isa-isa niyang bineso ang mga naroon, kilala man niya o hindi. In her usual sweet fashion way, sinabi niyang nami-miss na niya ang karamihan sa mga media people na aniya’y matagal na niyang hindi nakikita.
Sa may Rosario area sa Pasig, matagal na naming napapansin ang isang billboard na nagsasabing kalahok siya sa darating na midterm elections bilang konsehal sa ikalawang distrito ng Pasig City.
Kaya tama ang hinala namin na ia-announce niya ito sa entertainment press. Hindi naman kataka-takang maisipan niyang pumasok sa public service. Sa kanyang father side, dating Congressman Chuck Mathay ng Quezon City, nagmumula ang dugo niya sa pulitika.
At kung public service o pagtulong sa kapuwa ang pag-uusapan, maraming makapagpapatunay kung paano siya tumulong sa mga taong nangangailangan, lalo na sa mga taga-showbusiness. Sa entertainment press, alam ng lahat kung paano niyang inalagaan ang kanyang dating PR man na si Leo Bukas hanggang sa kamatayan nito. Bihira naman ang nakaalam na pinatira na niya nang libre sa isa niyang condo unit ang dating aktres na si Deborah Sun, kasama ang pamilya nito, binibigyan pa niya ito ng mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Pero aniya, hindi sapat ang kanyang pinansiyal na kakayahan para matulungan niya lahat na may pangangailangan. In fact, sumusulat pa siya sa mga kilala niyang nasa pamahalaan upang makapag-abot ng tulong. Ngayon, aniya, kung siya na mismo ang nasa gobyerno, mas magiging madali para sa kanya ang pagtulong.
Sa kanyang pagharap sa entertainment press, ipinakilala niya ang isang tao na aniya’y malaki ang maitutulong sa kanyang mga adhikain. Siya si Ate Sarah, o si Sarah Discaya na nagmamay-ari ng St. Gerrad Construction.
Nagkakilala sina Ara at Sarah sa isang medical mission ng St. Gerrard Construction Charity Foundation na pinamumunuan ng huli. Nagkahulihan sila ng loob at nang magpasiya si Ate Sarah na lumahok sa pulitika bilang kandidatong mayor sa Pasig City, inalok siya nitong pasukin na rin ang pulitika. Tutal naman, nasa dugo niya talaga ito..
“Hindi naman ako um-oo agad,” kuwento ni Ara. “Alam ni Ate Sarah ‘yun. Kasi sabi ko magdadasal pa ako. Asking for a sign. Kakausapin ko pa ang pamilya ko, so, mga three months akong nagdasal bago ako nakabalik sa kanya (Sarah) para mag-decide to run.”
Dati na rin siyang kumandidato noong dalaga pa siya sa Quezon City pero hindi pinalad.
Ngayon na may asawa na siya (businessman Dave Almarinez) at isang anak (si Amanda Gabrielle o Mandy sa dating mayor ng Bulakan na si Patrick Meneses), pinanday na siya ng panahon kaya handang-handa na siya bilang public servant.
Kung mananalo ba ay hinhinto na siya sa pag-aartista?
“If there is a good offer (tatanggapin ko) parang si Ninang Vilma (Santos), di ba? Nakakagawa rin siya ng movie once in while kahit nakaupo siya pero naka-focus siya sa public service.
“So, siguro ganu’n, we never know… bahala na si Lord pero magpo-focus ako sa public service kapag tayo’y nanalo,” sagot ni Ara.
Samantala, ano naman ang masasabi ni Ate Sarah bilang kalaban ni Mayor Vico Sotto?
“Alam ko po pader ang babanggain natin pero kung mas maganda po ang hangarin para sa taong bayan, may gabay po tayo diyan,” ani Ate Sarah na ang isa sa mga pangarap ay mabigyan ng magandang health services ang mga taga-Pasig. Sa ngayon, nagpapatayo na siya ng isang first class hospital na magiging libre para sa mga mahihirap na mamamayan.
Sabi nga ni Ara: “Kung ako po ay nakatulong, wala pa po ‘yun sa kalahati ng mga naitulong ni Ate Sarah sa ibang tao.”