
Appointment system nakaamba sa LTO
BILANG pagsunod sa utos ni DOTr Secretary Jaime Bautista na pagandahin pa ang serbisyo ng ahensya, titingnan ng bagong hepe ng LTO na si Vigor Mendoza II na ipatupad ang appointment system sa lahat ng kanilang transaksyon.
Sinabi ni Mendoza na malaking hakbang patungo sa digitalization ng LTO ang appointment system.
Nangangahulugan na magiging online na ang lahat ng transaksyon na sang-ayon sa programang digitalization ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ipinaliwanag pa niya na kung kayang gawin ito sa passport transaction ng Department of Foreign Affairs (DFA), kaya ring ipatupad ang appointment system para sa aplikasyon at renewal ng drivers’ license at motor vehicles.
“This is already being done at the LTO Central Office and we are looking into replicating this process in all our offices across the country similar to what the DFA is doing.
Ito ay para sa kapakanan din ng ating mga kababayan para hindi na sila kung kanino-kanino pa dumaan at maghintay ng matagal,” wika ni Mendoza.
Sinabi pa ni Mendoza na malaking tulong ang appointment system para mapigilan ang problema sa mga fixer sa mga tanggapan ng LTO.
Sa pagsusulong ng appointment system, sinabi niya na mawawalan na ng pagkakataon ang mga fixer para magpatuloy pa sa kanilang iligal na aktibidad.
Samantala, nagpasalamat naman si Mendoza kay Sen. Francis Tolentino sa tiwala nito sa kaniya na maipatupad ang mga reporma sa LTO.
Sa kaniyang programa sa himpilang dzRH, sinabi ni Sen. Tolentino na kayang pamunuan ni Mendoza ang LTO dahil sa hindi matatawarang karanasan ng bagong hepe ng LTO sa mga usaping may kinalaman sa transportasyon.