Apela sa camp commander sa Camp Crame

September 2, 2021 Marlon Purification 459 views

Marlon PurificationINALMAHAN ng ilang mga pulis ang mga bagong regulasyon na ipinatutupad sa pagpasok sa Kampo Crame sa Quezon City kung saan maging ang mga mismong miyembro ng organisasyon ay pinahihirapan.

Sa open letter na naka-address kay Pangulong Rodrigo Duterte, nakikiusap ang mga pulis na kung maaaring ikunsidera ni Police Brig. Gen. Arthur Bisnar ang ilan sa mga patakaran niyang ipinatutupad bilang Camp Commander.

Una sa hinaing ang pagbabawal sa mga PNP personnel na pumasok sa kampo lulan ng kanilang private vehicles nang walang abiso.

Nakasaad sa liham na nauunawaan ng mga ito na ang layunin ng direktiba ni Bisnar ay maging organisado sa loob ng kampo sa pamamagitan ng paglilimita sa parking areas sa tabi ng AFPSLAI Building at sa Grandstand.

Gayunman, nakasaad sa sulat na hindi kakayaning i-accommodate sa designated parking areas ang 2,000 PNP personnel hindi pa kasama ang mga sibilyan na may kanya-kanyang transaksyon sa headquarters tulad ng pagproseso ng lisensya sa operasyon ng security agencies, firearms licenses at iba pa.

Inireklamo rin ang direktiba sa mga PNP personnel na may motorsiklo na bakantehin ang kanilang parking areas.

“As a result of this policy, many personnel will park their cars outside the camp to the detriment of the welfare of the personnel since they can go as far as the malls in Cubao and Greenhills only to find a pay parking and will commute from there just to reach the camp. Worst, upon reaching the camp, they will be issued violation/deliquency ticket for coming in late,” pahayag pa sa open letter.

Iginiit sa open letter na tanggap nila ang pagpapatupad ng mga bagong polisiya subalit dapat ay ipinaalam ito sa PNP personnel ‘in advance’.

Isa pa sa inirereklamo ang paglalagay ng tire-lock sa mga sasakyan ng mga tauhan ng PNP na mag-oovertime kahit nakaparada sa designated parking areas.

Ang mga maila-lock na sasakyan ay kinakailangang magbayad ng multang mula P200 hanggang P500.

Isa pa sa hinaing ay ang pagbabawal din sa mga tauhan ng PNP at maging mga empleyado sa kampo na lumabas sa Gate 1 patungong MRT Santolan station.

Dagdag pahirap ito sa mga may edad ng tauhan ng PNP na sasakyan ng MRT dahil kailangan pa nilang umikot mula sa Gate 3 hanggang sa MRT station.

Kaugnay nito, umaasa tayo kay General Bisnar na pakikinggan niya ang mga hinaing ng mga miyembro ng PNP at magiging bukas ang isipan sa pagbuo ng mga solusyon para sa ikabubuti ng lahat.

Makabubuti rin ang dayalogo sa mga pulis at empleyado sa kampo para makabuo ng mga epektibong hakbangin.

Sa gitna ngayon ng pandemya, hindi natin kailangan ng iba pang mga usapin na maghahati sa mga organisasyong dapat ay tumutulong sa pagresolba sa krisis sa bansa.