
Apektado ng pag-alburuto ng Mayon umakyat na sa 37K
UMAKYAT na sa 9,571 pamilya o 37,231 katao ang naapektuhan ng pag-aalburuto ng Mayon Volcano sa Albay.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC , ang mga apektadong pamilya ay mula sa 26 barangay sa Bicol.
Sa nasabing bilang, 4,417 pamilya o 15,502 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 22 evacuation centers habang ang iba ang piniling tumira sa kanilang mga kaanak at kaibigan na nasa ligtas na lugar.
Umabot na rin sa P33.64 million ang halaga ng tulong na naiabot ng gobyerno sa Region 5 kabilang dito ang mga pagkain, tubig, hygiene kits, hot meals, family food packs, modular tents, sleeping bags at iba pa.
May naka-antabay naring 41 search and rescue team mula sa Armed Forces of the Philippines at Bureau of Fire Protection sa lugar na handa sa anomang sitwasyon.
Bukod pa ito sa 148 mobility assets mula sa AFP at BFP na kinabibilangan ng 17 aircrafts , 103 land vehicles at 28 water vehicles na naka-standby din sa Bicol.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Miyerkules, muling lumakas ang paga-alburuto ng bulkan kung saan nakapagtala ng pitong volcanic earthquakes, 309 rockfall events sa loob ng 24-oras.
Tumaas din ang pyroclastic density currents events mula sa isa hanggang pito.
Paliwanag ni Phivolcs director Teresito Bacolcol, kakaunti lamang ang aktibidad ng Mayon noong Martes kumpara noong Lunes subalit hindi ito nangangahulugan na kalmado na ang bulkan.
Nanatili ang crater glow o banaag sa bunganga ng bulkan at mahina rin ang pagbuga nito ng plume o usok habang umabot naman sa 149 tonelada ang inilabas na sulfur dioxide nitong Martes.
Sa ngayon, bawal parin ang pagpasok sa idineklarang 7-kiloeter radius ng Mayon Volcano’s permanent danger zone.
Bawal din ang pagpapalipad ng anomang uri ng aircraft malapit sa bunganga ng bulkan.