Apat sa pitong luxury cars, walang dokumento?

October 23, 2021 Marlon Purification 310 views

Marlon PurificationTUKUYIN ANG MGA TAONG NASA LIKOD NG P58 MILLION COIN HOARDING

KA-CHAT ko nitong Biyernes ng umaga si National Bureau of Investigation (NBI) Director Eric Distor.

Pinamamadali na raw niya ang official report ng Anti-Organized and Transnational Crime Division para magkaroon na ng linaw ang pagkakarekober sa mahigit P1 million coins at pitong luxury vehicles sa isang compound sa Bgy. Laging Handa, Quezon City.

Oktubre 1 pa ginawa ang pagsalakay ng mga tauhan ni Atty. Manuel Eduarte, hepe ng NBI-AOCD, pero hanggang ngayon ay wala pang malinaw na report kung nakasuhan na ba ang mga taong sangkot hinggil sa sinasabing coin hoarding.

Sa inisyal na report, hinihinala ng NBI na mula sa jueteng money ang mga coins na nagkakahalaga ng P1 million.

Ngunit makalipas na ang ilang araw, pera raw ito ng Piroutte Corporation, isang lisensiyadong Small Town Lottery franchise.

Pareho kami ng impormasyon ni veteran newsman at National Press Club (NPC) President Paul Gutierrez na sumulat pa raw kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chair Royina Garma si Maria C. Guinto, presidente ng Piroutte.

Nakikiusap daw ito na ibalik na sa kanila ang mga saku-sakong bayra na may iba-ibang denomination.

And take note, ika ‘nga ni Boss Paul Gutierrez, ang STL ni Piroutte ay sa Quezon province at hindi sa Bagong Handa, Quezon City na 140 kilometro ang layo mula Lucena City hanggang sa lungsod ni Mayora Joy Belmonte.

Eto ngayon ang tanong, Director Eric Distor, Sir.

Kung STL money nga ang mga naturang barya, bakit umabot ng ganito karami?

Hindi ba dapat, weekly sila nagre-remit sa PCSO?

Ano iyan, inipon ng ilang buwan o isang taon?

Isa pa, bakit kailangang iimbak sa Kyusi, gayung kahit gumamit tayo ng Waze, mas malapit ‘di hamak ang PCSO head office sa Mandaluyong City bago dumating sa Quezon City kung manggagaling sa Quezon province na ang daan ay sa SLEX, Skyway at Edsa?

Dapat din sigurong ipa-check ng idol nating si Director Distor kung totoo bang P58 million ang halaga ng mga naturang coins at hindi P50 million lang.

Bagaman may lumutang nang taga-STL, dapat din sigurong ma-double check kung bakit ang umuugong na balita ay pera ito mula sa Perya ng Bayan na ang ruta ng pataya ay Quezon province at Mindoro.

Iyong ilang supot daw kasi na pinaglagyan ng barya ay may nakalagay ng PNB at hindi STL.

Ang ibig sabihin po ng PNB ay Perya ng Bayan.

Dapat nga, tukuyin na ng NBI kung sinu-sino ba talaga ang nasa likod ng nasabing coin hoarding.

Sino ang may-ari ng compound at sino ang may-ari ng pitong mamahaling sasakyan.

Sinabi sa atin ng reliable source na sa pitong narekober na sasakyan, tatlo lamang dito ang may kaukulang dokumento at ang apat ay wala.

“I have requested an official report on the coins and luxury cars. Papers from PCSO, BSP and BOC also. BOC now validating docs of lux cars. Will furnish you ASAP,” text sa atin ng idol nating si Director Eric Distor.

Dapat ding malaman kung sino ba sina Eddie G. ni Charing, Renel B., Oca at alyas Chito na service provider umano ng PNB?

Sa report ng Business World, nananawagan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa agarang pagpasa ng batas kontra hoarding ng mga barya.

Matagal na proseso ito na maaaring lusutan ngayon ng masasamang elemento ng lipunan.

Pero kahit sinong abogado ang tanungin ngayon — lalo sandamakmak ang lawyers sa NBI — posibleng bumagsak ito sa Economic Sabotage.

At ang paglabag sa Economic Sabotage ay ‘No Bail’ o walang piyansa, kahit itanong pa natin kay Justice Secretary Menardo Guevarra?

Ilang taon na ang nakalipas, isang suspected smuggler na may alyas David ang nahulihan din ng mahigit P1 million na tig-limang piso.

Binebenta raw ito sa abroad para tunawin dahil may taglay na mineral daw ang ating barya.

Ang ending ng istorya, ‘naareglo’ ang kaso at tuloy ang ligaya pa rin ngayon ng suspected smuggler.

Umaasa tayong hindi ito mangyayari sa NBI sa ilalim ng liderato ni Idol Eric Distor.