Default Thumbnail

Antipolo namahagi ng NegoKart sa mga nangangailangan

October 28, 2021 People's Tonight 267 views

NAMAHAGI ang lokal na pamahalaan ng Antipolo City ng mga NegoKart o Negosyo sa Kariton para tulungan ang mga ordinaryong tao o mga mahihirap na tao na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

Kamakailan ay binisita mismo ni Mayor Andres “Andeng” Ynares ang isa sa mga benepisyaryo ng NegoKart na si Mark Anthony Palmario sa kanyang bahay sa Zone 10, Brgy. San Roque.

Naglalako ng mga prutas gamit ang kariton si Tatay Mark, pero kulang pa ang kaniyang kinikita para itaguyod ang kanyang anim na anak.

Seasonal din lang kasi o hindi all year round ang kanyang tinitinda, kaya’t dagdag pasanin ito dahil hindi naman kalakihan ang kita nito sa isang taon.

“Bukod pa sa pagkain ay kailanganin din niyang problemahin ang pambili ng gatas at diaper para sa kaniyang mga anak. Laging gulat po niya nang personal nating inihatid sa kanilang tahanan ang kanyang bagong NegoKart,” sabi ni Mayora Andeng.

Katuwang ng City Government ng Antipolo City ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa proyektong ito.

“Hindi lang basta Negokart, may kasama pa po itong mga gamit pangluto tulad ng kawali, sandok, super kalan, gasulito, sticks, mantika (cooking oil), tongs, siomai/fishball sticks at plates, mga paninda tulad ng hotdogs, cheesedogs, french fries, fishballs, squid balls, kikiam, kwek-kwek (itlog ng pugo), gayundin ang ingredients para makagawa ng sauce tulad ng toyo, suka, corn starch, brown sugar (asukal na pula) at chili sauce,” sabi ni Mayora Andeng.

“Kumpletos recados na ang mga kailangan ni Tatay upang mapalago pa niya ang kaniyang pangunahing pinagkakakitaan. Sipag at tiyaga na lang ang kailangan at mai-aahon din niya sa kahirapan ang kaniyang pamilya,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi naman ni DOLE Bureau of Workers with Special Concerns Dir. Ma. Karina Trayvilla na sa ilalim ng programa ng DOLE Integrated Livelihood Program nakapaloob ang NegoKart.

Layon anila itong makadagdag sa mga kumikita sa bansa.

Target nito ang marginalized at vulnerable sector o pinakamahirap sa bansa.

Ayon sa DOLE, mule January 2020 hanggang June 2021, nasa 92,034 beneficiaries na ang nakatanggap ng NegoKart, at kabilang na diyan si Tatay Mark.

Idinadaan ng DOLE ang NegoKart sa Antipolo LGU na siyang may alam kung sino ang itinuturing na marginalized sector sa lungsod.

AUTHOR PROFILE