Default Thumbnail

Ano nga ba ang nagawa ni President Ferdinand Edralin Marcos?

October 21, 2021 Allan L. Encarnacion 4004 views

Allan EncarnacionSABIHIN mo na lahat ng masama laban kay President Marcos. Lagyan mo pa siya ng sungay at buntot, pinturahan mo pa ng pula ang kanyang katawan at ipahawak mo pa ang pinakamalaking tinidor na gusto mo, pero ito lang ang puwedeng kong sabihin, naiinggit ako sa mga taong inabot ang kanyang liderato!

Ang sasabihin ko lang, wala namang martial law noong panahon nila Cory, Ramos, Erap, Gloria, Noynoy at ni Duterte pero bakit buhay pa rin ang pang-aabuso sa karapatang pantao? Bukas na aklat din naman ang pagiging berdugo ng ibang pulis at sundalo. Sinong magsasabing walang nangyaring katiwalian at walang nagpayaman sa panahon ng mga nagdaang pangulo matapos ang 1986 People Power?

Aminin man natin o hindi, wala pang dumating na Presidente ang bansa kahit pa noong panahon ng Commonwealth na puwedeng ikumpara ang pagiging visionary ni FM.

Parang may bolang kristal na hawak si Macoy dahil alam na alam niya ang susunod na mangyayari. Kung may tinatawag na true-blue pro-active governance, si FM na siguro iyon.

Iyong Universal Health Care Law, wala pa man yan, grabe na ang health system noong panahon ni FM. Inatado ni Macoy ang katawan ng tao para isa-isang mabigyang ng pokus ng mga manggagamot.

Isipin nyo, makapagpatayo si Marcos ng Heart Center na ang layunin ay tutukan ang puso ng tao. Bago pa sumikat ang Mt. Elizabeth Hospital sa Singapore, ang Heart Center ang puntahan ng mga world leaders kapag gusto nilang magpagamot ng kanilang sakit sa puso. Nasa Heart Center ang mga Pinoy doctors na pinakamagagaling sa buong mundo.

Mula sa Puso, ipinatayo ni Macoy ang Lung Center na ang pokus naman ay mga may sakit sa baga at may mga pulmonya.

Hindi pa nakuntento si Macoy, nagpatayo pa ng National Kidney and Transplant Insitute o NKTI para naman sa mga may sakit sa bato at nangangailangan ng dialysis.

Hanggang ngayon, pinakikinabangan natin ang mga ospital na yan na produkto ng taong kung murahin ng iba ay ganoon na lang. Literal na “anatomy of public service.”

Natatandaan ko, pati mga nurse ng gobyerno ay nag-iikot sa mga barangay para magbakuna ng mga bata. Ang mga Health centers, may nurse, may kumandrona at may gamot.

Grabe rin ang feeding program sa panahon ni Marcos. May libre kaming soup sa aming mga canteen at may mga powder milk sa hapon na pinamimigay ang gobyerno. Sino ba naman ang makakalimot sa nutribun?

Hanggang ngayon, wala pa ring makatumbas sa isktraktura ng CCP at PICC na hindi lang basta itinayo para magyabayang, bagkus ay maging pride ng mga Pilipino sa buong mundo.

Iyong Bataan Nuclear Power Plant na sagot sana ng bansa sa mahal na kuryente, hayun, pinakapitan ng talaba matapos ang rebolusyon. Ang Petron na pag-aari ng mga Pilipino para balansehin ni Macoy ang presyo ng produktong petrolyo sa tuwing tumatataas sa world market, binenta sa pribado. Ang National Steel Corporation na hari sa paggawa ng bakal noong hindi pa marunong ang China, binenta rin!

Ang irigasyon sa lahat ng bukid sa buong bansa, libre at interconnected sa mga probinsiya. Nang mawala si Marcos, kailangangan nang magbayad ng tubig ng mga magsasaka.

Ang Green Revolution na pagpaparami ng mga gulay sa merkado, ang Masagana 99 para lumago ang produksiyon ng palay ng mga magsasaka, Ang Biyayang Dagat para sa mga mangingisda, lahat yan ay produkto ng kaisipan ni Marcos. Kung tinuloy lang sana ng mga dumating na gobyerno ang mga programang ito, hindi sana makkaapasok dito ang carrots ng Taiwan, ang galunggong ng China at ang bigas ng Vietnam and Thailand.

Inabot ko rin ang Kadiwa na parang shawarma kioks sa dami ng puwede mong puntahan. Itong Kadiwa ang parang government store na bagsakan ng lahat ng produce ng mga farmers, fisherfolks at mga backyard livelihood cooperatives kaya hindi makaporma ang mga hoarders at profiteers. Kaya masigla ang bukirin at karagatan, may tiyak silang babagsakan ng kanilang produkto.

Ang Kadiwa ay hindi basta tindahan, mistula itong warehouse store na pag-aari ng gobyerno kaya sobrang dami ng supply ng pagkain. Sorry, namis ko tuloy iyong wag-wag at laon rice na P1.10 preso ng isang kilo.

Kaya iyong mga gustong murahin si Marcos, aba’y sana masaya kayo sa inaabot nyong hirap matapos ang 1986 revolution.

[email protected]